Bilang isang manggagawa sa ibang bansa, puno tayo ng pangarap.
Bago pa lang umalis sa bansang sinilangan marami na tayong gustong makamit, at isa na rito ang pagkakaroon ng negosyo pagdating ng panahon na tayo ay bumalik na nang tuluyan sa ating mga mahal sa buhay.
Ngunit sa tagal ng panahon nating pagtratrabaho sa ibayong dagat, nasusuong din tayo sa iba’t ibang pagsubok kaya naman, minsan ang mga pangarap na ating ipinunla sa ating mga puso ay hindi agad natutupad.
Ang buwanang sahod natin dito sa Hong Kong ay halos hindi magkasya sa buong pamilya natin sa Pilipinas dahil sa napakaraming gastusin. Kaya madalas, ang inaasam na pagbabalik ay nauunsiyami.
Pero may mga OFW pa rin na nagpursigi na makamit ang kanilang pangarap na pangkabuhayan. Kabilang na dito ang grupo ni Luciana Dangbis at ang kanyang mga kababayan sa Kabayan, Benguet, na nagtayo ng isang kooperatiba.
Hindi naging hadlang ang patuloy na paninilbihan ni Dangbis sa Hong Kong para maumpisahan ang bunga ng kanyang mga pagsisikap, ang Kintoman Credit Cooperative.
Itinayo ito noong 2014 sa kanyang masigasig na pakikipag ugnayan sa lokal na gobyerno ng Kabayan noong ang mayor dito ay si Faustino Aquisan. Sa umpisa pa lang ay nagalak na ang alkalde sa planong inihain sa kanya ni Dangbis, kaya lalong lumakas ang loob ng OFW.
Sa tulong ni Marilou Cosalan na nagtatrabaho sa Social Worker Department ng local na gobyerno ng Kabayan ay naisulong ang mga papeles ng koop nang hindi nahirapan si Dangbis. Nang makuha na niya ang kinakailangang dokumento ay agad hinikayat ni Dangbis ang kanyang mga kababayan na nasa Hong Kong at pati na iyong mga nagsipagbalik na sa Pilipinas na sumali sa kooperatiba.
Todo suporta din ang Department of Agriculture sa Benguet at sa tulong ni Cosalan ay nag-organisa sila ng mga seminar para sa mga ex- OFW na nakabalik na sa kanilang bayan at intresadong sumali sa ko-op. Sa tulong ng Cooperative Development Authority ay nailatag ng grupo ang mga alituntunin ng koop.
Ayon kay Dangbis, matagal nang hiling ng marami sa kanyang dating grupo na magkaroon ng paglalagakan ng pera na sigurado na ay nakakatulong pa sila sa kapwa nilang kababayan na nangangailangan.
Matapos ang masinsinang pag-uusap tungkol sa legal at teknikal na proseso ng pagkakaroon ng kooperatiba ay nabuo ang KCC sa Pilipinas, mula sa pagiging Kabayan Overseas Workers Association sa Hong Kong. Nahalal si Flordeliza Gadate bilang presidente, si Eliaren Abellera bilang ingat-yaman, at si Myrna Alberto bilang tagapamahala ng kooperatiba. Lahat sila ay pawang mga dating OFW. Sina Abellera at Alberto ang nakatalagang empleyado ng KCC sa ngayon.
Ayon kay Dangbis, masaya siyang nakapagtalaga ng dalawang dating OFW para maging empleyado ng koop.
Ang punong tanggapan ng KCC ay nasa Pacso Kabayan, Benguet at mayroon silang sangay sa KM5 La Trinidad, Benguet.
Ang unang 20 “cooperators” na sumali ay naglagak ng tig-limang libong pisong “share capital” at limandaang piso (Php500) na membership fee.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang 56 na miyembro ang kooperatiba at Php500,000.00 ang asset ng koop. Naghahati-hati sa “net surplus” o tubo ang 56 na miyembro at 43 na cooperators. Noong unang taon ay kumita ang KCC ng Php110,000 at pinaghati-hatian ito ng mga cooperators.
Ang isang cooperator ay kailangang magkaroon ng Php5000 na capital share at Php500 na membership fee upang makasali sa hatian ng net surplus.
Ayon kay Dangbis, ang pagpapalago at pangangalaga ng koop ay hindi madali. Mabusisi ang kada apat na buwan na pagtitipon pagkatapos ng pagpupulong ng board of directors, pero napaka importante daw na laging may talastasan dahil pera ng mga kababayan na nagtatrabaho sa Hong Kong ang nasa kooperatiba.
Mabuti na lang at dahil sa paggabay ng kanilang mga mentor mula sa local na gobyerno ng Kabayan at ni Cosalan ng DA, unti-unti nang umuusad ang kooperatiba.
Mula sa dating Kabayan Overseas Workers Association (KOWA) na pinangunahan ni Linda Nalibsan ng dalawang taon ay isinulong ni Dangbis ang pagtatatag ng isang kooperatiba, na ngayon ay kilala na bilang KCC.
Pagkatapos lang ng dalawang taon ay accredited na ng Overseas Workers Welfare Administration CAR ang KCC.
Ayon kay Dangbis, mas mainam na mayroon na silang pinaglalagyan ng pera nila na malapit lamang sa kanilang lugar, at higit sa lahat ay kumikita kahit maliit na halaga lang. Mayroon ding medical benefit sa pinakamalapit na kaanak ng bawat miyembro.
Nagbibigay din ang KCC ng tulong sa kanilang kumunidad, gaya ng pagbibigay ng lutuan sa isang day care center, timbangan sa lokal na klinika, at donasyon sa mga simbahan.
Mas natututukan na ni Dangbis ang pag-agapay sa kanyang mga kababayan nang matagumpay niyang napagtapos sa kolehiyo ang kanyang tatlong anak. Ang panganay na si Janine ay nagtapos bilang cum laude sa St Louis University sa Baguio kung saan siya ay scholar, at kasalukuyang nagtatrabaho sa research department ng National University Hospital sa Singapore. Ang pangalawa na si Rachel ay nutrionist na sa Premier Medical Center sa Cabanatuan City samantalang ang bunsong si James Ryan ay katatapos lamang ng sa kursong forestry. Parehong nagtapos ang dalawang nakakabata sa Benguet State University.
Laking pasasalamat ni Luciana dahil napakatibay ang pundasyon ng kanilang pamilya bagamat maaga silang naulila ng kanyang asawa. Aniya, iniwan siya ng kanyang asawa ng mga responsableng anak.
Dating guro ang kanyang asawang si James, ngunit noong nangibang-bansa si Dangbis simula noong 1999 sa Taiwan at 2001 naman dito sa Hong Kong ay iniwan na ng asawa ang pagtuturo para maalagaan ang kanilang mga anak na noon ay mga bata pa. Taong 2005 nang ito ay pumanaw.
Noong 2016 ay nagkaroon si Dangbis ng pagkakataon na makasama ang tatlong anak ng mga apat na buwan nang siya ay maoperahan dahil sa myoma. Sa kanyang pag-aayos sa kanilang bahay ay nakita niya ang isang karton kung saan nakalagay lahat ang mga resibo para sa mga pinapadala niyang pera na inipon pala ng kanyang mga anak mula noong sila ay mga bata pa. Hindi daw napigilan ni Dangbis ang mapaiyak dahil nakita niya kung gaano ka responsable ang kanyang mga anak, at kung paano nila pinahahalagahan ang kanyang mga pagsisikap para sa kanila.
Sa ngayon ay wala nang iba pang pinagkakaabalahan si Dangbis kundi ang umagapay sa kanyang mga kababayan, lalo na yung mga bagong dating pa lang sa Hong Kong. Gusto din niya na magtatag ng dagdag-pagsasanay para sa kanyang kababayan na gustong magtayo ng mga simpleng negosyo gaya ng paghahabi, paggawa ng banga, at paggawa ng pasta mula sa mga gulay na tumutubo sa Benguet.
Lagi din siyang nakikipag-ugnayan sa OWWA at iba pang sangay ng gobyerno para masiguro ang patuloy na paglago ng sinimulan niyang kooperatiba.