Maligaya ang mga miyembro ng Fate kahit natalo sila ng Guangzhou sa warmup game. |
Ang Fate ay isang koponang binubuo ng mga manggagawang Pilipino dito sa Hong Kong sa larangan ng larong softball.
Linggo-linggo ay makikita ang grupo sa palaruan ng Shek Kip Mei para mag-ensayo. Kinakailangan nilang maging handa sa nalalapit na pagsimula ng Season 2017-2018 ng liga.
Noong nakaraang season ay pumangalawa ang Fate sa kabuuang ranggo na isinasagawa ng HKSA. Samakatwid, ang grupo ay puwede nang umakyat sa Group A ng liga.
Ngunit dahil sa kakulangan ng manlalaro na puwede at handang isabak laban sa magagaling na koponan ay mas pinili ng kanilang team captain na si Don Gaborno na manatili na lamang sila sa Group B.
Sinang-ayunan naman ito ng kanilang manager na si Law Wai Ho.
Subalit ang desisyon na iyon ay may kaakibat na sakripisyo sa ilang miyembro ng Fate dahil pito lamang sa dating mga manlalaro ang puwedeng manatili sa grupo upang magpatuloy sa paglalaro.
Ito ay alinsunod sa lamang sa mga alituntunin ng HKSA.
Naging mahirap para kay Gaborno ang ginawang desisyon dahil baka hindi ito maintindihan ng iba niyang manlalaro.
Kaya kahit labag sa kalooban ni Gaborno ay kinailangan niyang mamili kung sino ang magpapatuloy sa paglalaro at kung sino ang pansamantalang titigil.
Hindi ito ikinatuwa ng mga napili at nagalit ang mga ito. Wala namang magagawa si Gaborno kundi hingin na sana’y maintindihan nila ang naging desisyon.
Tiniyak naman nito na naging patas ang kanyang naging basihan sa pagpili ng manlalaro na mananatili sa koponan. Napag-alaman na nagpaalam na ang ibang miyembro nito pagtakapos ng Season 4 dahil sa personal na kadahilanan.
Noong nakaraang Okt 29 ay nagkaroon ng “friendly game” ang Fate laban koponan ng Guangzhou, isa sa mga batikang grupo ng softball sa mainland China.
Kahit natalo ang Fate ay ipinakita ng mga manlalaro nito na kaya nilang makipagsabayan sa magagaling na kalaban mula sa ibang koponan.
Ipinakilala naman ng grupo ang mga bagong miyembro nito na sina Jeremiah Gabales, Jonalyn Cupag, Bambee Abadilla, Belenda Ganitano, Charlou Gat-eb, Delia Elbanbueno, Juliet Fernandez, Sherlyn Gamata, Reyze Valeriano at Jessie Antoniano.
“Sa nakita ko sa laro namin laban sa Guangzhou, kaunting praktis pa, lahat ng bagong players ay willing to learn at dedicated talaga,” ika niya.
Inaasahang magsimula ang ika-limang season ng liga sa kalagitnaan ng Nobyembre.