Naroon din si Luis Manzano, bitbit ang girlfriend niyang si Jessy Mendiola,; Angel Locsin, kasama ang bagong boyfriend niyang si Neil Arce; Bianca Garcia-Kramer; Danica Sotto-Pingris at ang halos buong tropa ng Showtime, na kinabibilangan nina Vice Ganda, Kim Atienza, Vhong Navarro, Karylle, Teddy Corpuz, Ryan Bang at Jugs Jugueta.
Sina Luis at Nichole ang nag-emcee sa programa sa reception, kung saan ay nagbigay ng pahayag ang malalapit sa bagong kasal. Ang hirit ng ama ni Erwan ay bigyan siya ng 10 apong lalaki, kaya kailangang magmadali daw ang mga ito. Ang sabi naman ng ama ni Anne, kailangang matutuhan ni Erwan ang dalawang salita: yes, dear. Ikinuwento naman ni Isabel ang pagiging match-maker niya sa dalawa, mula nang magkita ang mga ito noong 2009.
Simple pero elegante ang gown ni Anne na gawa ng pamosong designer na si Monique Lhuillier, pero ang sapatos na suot niya ay high-heeled black boots. Maging ang kanyang mga bridesmaids, kabilang sina Isabel, Solenn at Karylle ay pawang mga laced up boots ang suot. Ito marahil ay dahil malamig ang klima doon, at outdoor wedding ito, kaya ang nilakaran ay damuhan.
Sina Anne at Erwan naging magkarelasyon noong 2010, at naging engaged noong November 2016 sa Amerika. Pareho silang mahilig mag-travel at sumubok ng iba’t ibang bagay, gaya ng pagkain sa mga pinupuntahan nilang lugar.
ISABEL GRANADA, NA-CREMATE NA
Habang nagkakasayahan sa nagaganap na kasal ni Anne Curtis sa New Zealand noong November 12, lungkot naman ang nadama ng mga kamag-anak at kaibigan ng aktres na si Isabel Granada nang i-cremate na ito sa Arlington Memorial Chapels. Bago ang cremation, binigyan din siya ng military honors ng Philippine Air Force, kung saan ay nagsilbi siya ng dalawang taon bilang second class air woman. Ang bandila na ginamit sa kanyang kabaong ay ibinigay nila sa ina niyang si Mrs. Villarama o kilala sa showbiz bilang Mommy Guapa.
Pagkatapos ng cremation ay nagkaroon din ng “letting go” ceremony ang mga kamag-anak at kaibigan ng aktres sa pamamagitan ng pagpapakawala sa ere ng mga paru-paro.
Si Isabel, 41, ay pumanaw noong Nov.4, sanhi ng brain hemorrhage at aneurysm, sa Doha, Qatar. Nag-collapse siya matapos makaramdam ng pagkahilo habang kausap ang ilang mga kababayang Pilipino. Isinugod siya sa ospital, pero hindi na ito nagkamalay, at tuluyang binawian ng buhay matapos ang halos dalawang linggo.
Iniuwi ang kanyang bangkay sa Pilipinas noong November 9 at nagkaroon ng pagkakataon ang mga kaibigan niya sa showbiz, lalo na ang mga naging kasamahan niya sa dating show na “That’s Entertainment”, at maging ang mga fans, upang masilayan siya sa huling pagkakataon. Suot ang puting damit na ipinagawa ng kanyang kaibigang si Bianca Lapus, marami ang nagsabing maganda pa rin ang aktres at parang natutulog lang. Namataan sa ginanap na burol sa Sanctuario de San Jose chapel sa Greenhills sina Chukie Dreyfus, Nadia Montenegro, Lotlot de Leon, Elmo Magalona, Janella Salvador, at Lily Monteverde ng Regal Films.
Bukod sa kanyang ina, naulila ni Isabel ang kanyang asawang si Arnel Crowley, at anak na si Hubert Aguas, na anak niya sa unang asawang si Jericho Aguas.
VIC AT PAULEEN, MAY BABY NA
Lumabas na ang pinakabunso sa “Dabarkads” ng Eat Bulaga, si baby Talitha Maria Luna Sotto, anak nina Vic Sotto at Pauleen Luna. Isinilang ang kanilang anak noong madaling araw ng November 6 sa pamamagitan ng caesarian operation.
Ito ang panlimang anak ni Vic, ang iba pa ay sina Danica at Oyo na anak niya sa dating asawang si Dina Bonnevie, ang pangatlo na si Vico, na anak niya sa aktres na si Coney Reyes at ang pang-apat ay si Paulina, na anak niya sa dating model-actress na si Angela Luz.
Sina Vic, 63, at Pauleen, 28, ay ikinasal noong January, 2016.
MAGTATAPAT NA PELIKULA
Ipinahayag ni Sharon Cuneta na ipapalabas sa buwang ito ang balik-tambalan nila ni Robin Padilla na “Unexpectedly Yours”. Makakasama rin nila dito ang tambalang Joshua Garcia at Julia Barretto. Inaasahan ni Sharon na tatangkilikin ito ng manonood dahil nang ilabas daw ang teaser ng pelikula nila ay mahigit isang milyong views daw agad ito sa loob ng 12 oras mula nang i-upload ito sa Facebook.
Pero, makakatapat ng pelikula nila na ipapalabas sa November 29 ang “Barbi D’ Wonder Beki” na pagbibidahan nina Joey de Leon at Paolo Ballesteros, kaya baka maapektuhan ang kikitain sa takilya ng dalawang pelikula.
Kamakailan ay nagsalpukan din sa takilya ang dalawang horror films na “The Ghost Bride” ng Star Cinema at “Spirit of The Glass” ng Regal Entertainment. Bagama’t balitang malaki ang kinita ng pelikula nina Kim Chiu (Ghost Bride), mas kumita siguro pareho ang dalawang pelikula kung hindi ito pinagsabay ipalabas, lalo na at hindi na kumokonti na ang mga nagagawang mga pelikula.
HASHTAG DANCER FRANCO, NALUNOD
Bago nagsimula ang programa sa reception ng kasal nina Anne Curtis at Erwan Heussaff, nag-alay sila ng panalangin sa pagkamatay ng isa sa miyembro ng dance team na Hashtags, na regular performers sa “Showtime” na si Franco Hernandez Lumanlan, 26, na kilala bilang Hashtag Franco.
Namatay ito sa pagkalunod sa Davao Oriental noong November 11, matapos mahulog sa bangkang sinasakyan nila ng kanyang girlfriend, nang hampasin ito ng malakas na alon. Nasagip naman sila ng bangkero, at dinala sa ospital, pero hindi na umabot ng buhay si Franco.
Ang Hashtag ay isa sa pinakasikat na grupo ng dancers ngayon dahil pawang mga may hitsura ang mga miyembro nito, kaya naman isa-isa nang nabibigyan ng acting project. Kabilang dito sina Ronnie Alonte, Jameson Blake, MacCoy de Leon, Zeus Collins at Jon Lucas.
JAMES, PANALO SA MTV EUROPE MUSIC AWARDS
Napanalunan ng Filipino-Australian actor at singer na si James Reid ang award bilang Best Southeast Asia Act sa katatapos na 2017 MTV Europe Music Awards (EMA) na ginanap sa London noong November 12. Tinalo niya ang mga Asian singers na sina Faizal Tahir (Malaysia), Dam Vinh Hung (Vietnam), Isyana Sarasvati (Indonesia), Slot Machine (Thailand), The Sam Willows (Singapore) at ang social wildcard winner na si Palitchoke Ayanaputra (Thailand).
Hindi ito ang unang nominasyon ni James dahil dati na silang na-nominate ng kanyang girlfriend na si Nadine Lustre sa parehong kategorya SA 2015 MTV EMA na ginanap noon sa Milan, Italy.
Si James, na tila mas ganadong magtrabaho bilang singer kaysa aktor ay nakapagtayo na ng sariling label, ang Careless Music Manila sa kagustuhang makatulong upang umunlad ang local music. Katatapos lang niya ang pinakabago niyang album na “Palm Dreams”. May ginawa rin siyang music video, kung saan ay isa sa mga nagdirek nito ay ang girlfriend niyang si Nadine.
Ilan sa mga nagwagi sa 2017 MTV EMA ay ang mga sikat na singers na sina Shawn Mendes bilang Best Artist, Eminem bilang Best Hip-Hop Artist at Camila Cabello bilang Best Pop Artist.
ART MANUNTAG, NAG-COLLAPSE SA BAGUIO
Pinag-uusapan ngayo ang balitang nag-collapse sa Baguio ang magaling na singer na si Arthur Manuntag habang siya ay nag so show. Isinugod daw ito sa ospital, at tinangkang i-revive ng ilang beses, pero hindi pa ito nagkakamalay.
Nanghihingi ng dasal ang mga kaibigan ng singer upang malampasan nito ang panganib, at magising sa pagkaka-coma nito.
Si Art ay ilang beses nang nag show sa Hong Kong, at sa isa ay naka duweto niya at naging guest ang The SUN publisher na si Leo A. Deocadiz.