Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

30 taon ng Pixar animation, tampok sa Heritage Museum

30 November 2017

Mga cartoon characters ang makakasalamuha mo sa Hertiage Museum.

Ni Marites Palma

Isa ka ba sa mga namangha at naaliw sa mga animated movies gaya mg Toy Story, Cars, Monsters University at Monsters, Inc?

Ngayon, maaari mo nang masulyapan ang naglalakihang iskultura nina Woody, Buzz Lightyear, Nemo, Carl, Sadness at Joy at iba pang sikat na karakter na likha ng Pixar Animation Films, sa pagbisita sa Hong Kong Heritage Museum sa Shatin.

Sa halagang $20 lamang (may discount sa grupo, at kalahati ang bayad sa mga estudyante, senior citizen at may kapansanan) ay maari nang matunghayan ang piling koleksyon ng Pixar, bilang paggunita sa ika-30 anibersaryo nito.

Ang exhibit na may pamagat na “Pixar 30 Years of Animation: Hong Kong Celebration of Friendship and Family” ay bahagi ng paggunita sa ika-20 taon ng pagkakatatag ng Hong Kong SAR. Magkatuwang sa pagtatatag nito ang Heritage Museum at Pixar Animation Studios, sa pakikipagtulungan ng Walt Disney Company. Makikita ang exhibit sa Thematic Galleries 1 & 2 sa unang palapag ng museo.

Ang Pixar ay itinatag noong 1986 sa Emeryville California, USA, at nakilala agad sa dahil sa husay nito sa paggamit ng computer animation. Ang kanilang Toy Story na ginawa noong 1995 ay lumikha ng kasaysayan bilang kauna-unang pelikula na ginawa sa pamamagitan ng computer animation.

Ang mga pelikulang ito ng Pixar ay nagbigay ng kasiyahan, hindi lang dahil sa husay ng kanilang computer animation, kundi pati sa kakaibang istorya at adventure ng mga bida sa mga ito. Bagamat cartoon ang kanilang mga hitsura at galaw, ang mga kwento nila sa pelikula ay kahalintulad ng mga nangyayari sa mga tunay na tao. Nagbigay sila ng kalungkutan at kasiyahan, at higit sa lahat ay nagturo sila ng magandang aral sa mga manonood. Sa Pixar, ang artikistikong paggawa at kwento ng pelikula ay kasing halaga ng husay sa teknolohiya.

Ang mga palagiang tema ng mga pelikula ng Pixar at tungkol sa masalimuot at masayang relasyon sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya, at mga kaibigan. Sa paraang ito ay nakakapulot ng mahalagang leksyon sa buhay ang mga manonood. Nabubuo din sa isipan nila na gaano man kalaki ang balakid na nakaabang sa buhay ng bawat isa ay may laging tatayo at susuporta sa kanila, mula sa kanilang pamilya o matatalik na kaibigan. Lagi din dapat na positibo ang pananaw sa buhay.

Sa exhibit na ito ay makikita ang ilang mga piling artwork na nagawa mula pa sa traditional at digital media kasama na ang hand-drawn sketches, paintings, storyboards at sculptors. Pinatotohanan ang naging paglikha sa mga ito sa interview sa mga artist at iba pang nasa likod ng Pixar Films. Bahagi ng kanilang kuwento ang kung saan nagmumula ang mga inspirasyon nila sa paglikha.

Kabilang sa kanila si Pete Docter, direktor ng ‘Inside Out” (2015), na nagsabi na habang ginagawa niya ang pelikula ay mas napagtanto niya na ang kanyang pamilya at malalapit na kaibigan ang nakakapagbigay ng tunay na kagalakan sa kanya. Gayunman, sila din ang sanhi minsan ng kanyang pagkagalit o pagkakaraon ng kakaibang takot at kalungkutan.

Mula naman sa Director ng “The Good Dinosaur” na si Peter Sohn, kahit daw hindi nag-uusap ang mga kasamahan niya sa pelikula dahil magkaiba ang kanilang wika ay  nagkakaunawaan sila sa maraming bagay, at mula doon ay umusbong ang maganda nilang pagkakaibigan.

Naniniwala naman si John Lasseter, Chief Creative Officer ng Walt Disney at Pixar Animation Studios na masisiguro ang paggawa ng isang nakakabighaning pelikula kung (1) mailalahad ang isang makapigil-hiningang kuwento sa paraang halos mahuhulog na sa upuan ang mga nanonood; at 2) makapaglagay ng mga karakter na tatatak at titimo sa puso’t isipan ng manonood. Kapag nagawa mo daw ang mga ito ay siguradong mapapasaya mo daw nang husto ang mga manonood, at marami ang tatangkilik sa pelikula.

Ang Pixar Studios ay pumili ng 180 exhibit na hindi pa nakikita sa Hong Kong at isinama sa kakaibang pagtatanghal na ito. Kasama dito ang artwork at scuplture ng “Coco”, ang pelikulang ipapalabas pa lamang sa mga sinehan sa Hong Kong sa mga huling linggo ng kasalukuyang taon.

Mayroon ding palabas sa may Hong Kong Toy Story Gallery na aabot sa 15 minuto, kung saan makikita ang orihinal na porma ng “Art scape” na ginawa ng iba-ibang artist ng Pixar mula sa tradisyunal na gamit katulad pastel, charcoal at gouache.

Ang mga tampok na gawa na makikita sa exhibit ay ang sumusunod:
* Daisuke “Dice” Tsutsumi Moment Painting: Expeled Monsters University, 2013, digital painting Disney/Pixar
* Bob Pauley, Woody and Buzz, Toy Story, 1995, marker and pencil on paper, Disney/Pixar
* Peter Sohn, Spot and Arlo, The Good Dinosaur, 2015, pencil on paper, Disney/Pixar
* Steve Pilcher, Marida and Mum Bear Brave, 2012, acrylic on board, Disney/Pixar
* Albert Lozano, Joy, Inside Out, 2015, marker and grease pencil on paper, Disney /Pixar
* Budluckey, Tuck and Roll, a Buds life, 1998, pencil on paper, Disney /Pixar
* Greg Dykstra, Russell, Up, 2009, Cast urethane resin, Disney/Pixar

Ang Hong Kong Heritage Museum ay bukas araw-araw liban sa Martes, mula 10am hanggang 6pm. Para makarating dito, sumakay ng MTR papunta sa Lowu at bumaba sa Tai Wai station, bago lumipat sa Che Kung Mui station, at lumabas sa Exit A. Lumakad papunta sa ilog at tawirin ito sa pamamagitan ng footbridge, at makikita na ang museo sa kabilang dulo. Maari ding bumaba sa Shatin MTR station ngunit aabot ng mula 15 hanggang 20 minuto ang paglalakad patungo sa museum.

Ang natatanging exhibit na ito ng Pixar ay matatapos sa ika-5 ng Marso sa susunod na taon.

Don't Miss