Mahigit 200 migranteng manggagawa ang dumalo sa “Negosyo Talk Series 2” ng CardSMEbank sa pakikipagtulungan ng Card HK foundation, na ginanap sa Bayanihan Centre sa Kennedy Town noong Okt. 1
Naging panauhin ang mga tauhan ng Card MRI Philippines, kabilang sina Grace Quinola, marketing officer; Allan Dimaano chief information officer; at Epifanio Maniebo, chief information officer ng RMSi.
Tinalakay ni Allan ang tungkol sa mga produkto at serbisyo ng CardSMEbank, na ayon sa kanya ay mas mataas ang ibinibigay na interes sa deposito kaysa sa ibang bangko. Ipinaliwanag din niya ang ibat-ibang uri ng deposito sa bangko, at sa seguro o insurance.
Ipinakilala ang mga serbisyo ng CARD at mga kumpanya nito. |
Ang mga nakatapos ng financial literacy training, entrepreneurship seminar at mga dumalo sa Negosyo Talk series ng Card HK ay binigyan ng I.D. para sa prayoridad na serbisyo ng Card Philippines.
Nagbigay ng dagdag na sigla ito sa mga dumalo, na bakas sa mukha ang pagnanasa na balang araw ay magkaroon din sila ng sariling negosyo.
Nadagdagan pa ang kanilang inspirasyon nang ibahagi ni Jun Domingo, dating seaman na naging matagumpay na negosyante, ang kanyang mga pinagdaanang hirap at sakripisyo bago nya narating ang kinalalagyan niya ngayon.
Ayon kay Clara Baybay, chairman ng Card HK, napaka halaga sa isang OFW ang paghahanda bago bumalik sa sariling bansa. Sa puntong ito ay malaki diumano ang maitutulong ng Card MRI.
“May magandang oportunidad na naghihintay dahil gagabayan kayo ng Card MRI. Mayroong ‘life after Hong Kong’, “ wika niya.
Naging panauhing pandangal si Consul General Bernardita Catalla na nagpahayag ng kanyang hangad para sa kapakanan at magandang hinaharap ng mga migranteng mangagawa sa Hong Kong.
Nagpasalamat din siya sa ibinigay na suporta ng komunidad sa kanyang pagkatalaga bilang pinakamataas ng sugo ng bansa sa Hong Kong sa loob ng nagdaang tatlong taon.
Sa mga nais lumahok sa susunod na Batch 44, ng fin-lit seminar ng Card HK sa Okt 22 sa Bayanihan Centre, tumawag lang para magparehistro sa mga numerong ito: 95296392/ 54238196.