Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Takot ma-offload sa airport

04 October 2017

Ang lalakas ng tawa ng tatlong magkakapatid na pawang nagtatrabaho sa Hong Kong nang makitang putlang putla ang nakababata nilang kapatid na si Junior nang salubungin nila sa  paliparan kamakailan. Ayon kay Junior, tatlong kainan na daw itong hindi nakakain sa kakaisip kung makakalusot siya sa airport sa Pilipinas.

Walong oras bago ang kanyang flight ay nagpunta na daw ito sa airport at hindi muli kumain. Kahit tubig daw ay hindi ito makainom sa takot at kaba. Dati nang nag OFW si Junior sa Middle East pero kinabahan pa rin dahil sa kuwento ng isa pa nilang kapatid na na-offload sa Pilipinas nang tangkain nitong pumunta sa Singapore.

Kampante naman ang tatlo niyang kapatid na makakalusot siya dahil kumpleto naman ang lahat ng kanyang papeles, kasama ang invitation letter at affidavit of support para sa pananatili niya sa Hong Kong.

Noong makalabas sila sa Chek Lap Kok ay saka lang nakahinga ng maluwag si Junior. Dinala agad siya ng mga kapatid sa isang restaurant para kumain at inuwi para makapagpahinga dahil ilang gabi na din daw itong hindi makatulog sa kakaisip.

Sinubukan ni Junior na maghanap ng trabaho sa Hong Kong pero hindi siya sinuwerte katulad ng isa sa mga kapatid na natanggap bilang hardinero dahil natuto itong magsalita ng Mandarin nang magtrabaho sa Taiwan ng 12 taon.

Bago matapos ang 14 araw na palugit sa kanyang visa ay nagbakasakali naman si Junior sa Macau. Namalagi siya doon ng halos dalawang buwan pero wala pa rin siyang nakuhang trabaho, bagkus ay nasaksihan niya ang pananalasa ng bagyong Hato na umabot sa signal 10 at kumitil ng walo katao.

Natakot siya ng husto sa nasaksihan ngunit naging bentahe niya at ang mga kasabayan niyang naghahanap din ng trabaho dahil nagkaroon sila ng ilang araw na parttime. Binayaran sila sa paglilinis ng ilang araw kaya nakaipon siya ng kaunti bago bumalik sa Hong Kong.

Masaya na rin daw siya dahil marami siyang natutunan habang nasa Macau, at maraming naging bagong kakilala at kaibigan. Napagtanto niya na mahirap na ring makakuha ng trabaho sa Macau sa dami ng mga  Pinoy na pumupunta doon para makipagsapalaran.

Minabuti na lamang niyang umuwi na sa Pilipinas bago natapos ang 14 araw na visa niya pagkagaling sa Macau. Balak niyang bumalik na lang sa Middle East dahil tinatawagan na rin naman siya ng agency na kanyang inaplayan noon bago siya umalis papuntang Hong Kong.

Laking pasasalamat ni Junior sa mga kapatid na todo ang suporta na ibinigay sa kanya noong siya ay nagbakasakali sa Hong Kong. Ang apat na magkakapatid ay mula sa Cagayan Valley. – Marites Palma

Don't Miss