Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Sulyap sa sentro ng Forbidden City

08 October 2017

Ni Marites Palma

Ang Forbidden City, kabilang na ang Great Wall, ang dalawa sa pinakasikat na puntahan ng mga turista sa China. Hindi madaling marating ang mga ito, dahil bukod sa kailangan ng visa ay aabot sa apat na oras ang biyahe sa eroplano, doble ng lipad papunta ng Maynila.

Pero mula ngayon hanggang Oct 15, may pagkakataon na ang mga nasa Hong Kong na masilayan ang isa sa pinakamahalagang parte ng Forbidden City, ang Hall of Mental Cultivation of the Palace Museum, kung saan tumira ang walong emperador ng Tsina. At ito ay sa halagang $20 lamang.

Paano? Pumunta lang sa Hong Kong Heritage Museum sa Shatin para masulyapan ang marangyang bulwagang ito kung saan tumira ang mga sumusunod na emperador ng Tsina: Yong Zheng, Qian Long, Jiaqing, Daoguang, Zianteng, Tongzhi, Guangzu at Xuantong. Tiyak na hindi mapipigilan na mapa “wow” sa ganda ng mga sinaunang gamit na makikita dito, na siguradong limpak-limpak na salapi na ang halaga.

Ang orihinal na Hall of Mental Cultivation sa Beijing ay siyang susi sa pamamahala ng dating kaharian. Kasalukuyan itong sumasailalim sa pagsasaayos kaya ang may humigit kumulang 200 na mga mahahalagang gamit dito na mula pa noong Qing Dynasty ay dinala sa isang touring exhibition sa iba’t-ibang lugar, kasama na ang Hong Kong.

Kabilang sa mahahalagang gamit na makikita ang mga sumusunod: “cloisonne hotpot with floral pattern”, Qing Dynasty 1644-1911; “gold chalice of eternal stability inlaid with gemstones”, Qianlong period 1736-1795, Qing Dynasty; “plaque calligraphic inscription, “Room of Three Rarities”, Emperor Qianlong 1711-1799; “jade seal with characters “Valued Collection of Emperor Tongzhi’s Veneration of His Parents”, Tongzhi period 1862-1874, Qing Dynasty; “gourd-shaped wall vase with familie-rose flowers and poem in reversed panels with gilded floral scroll pattern on blue ground,” Qianlong period, 1736-1795, Qing dynasty.

Ang Hall of Mental Cultivation ay itinayo sa panahon ni Emperor Jiajing noong taong 1557 sa panahon ng Ming dynasty, at inayos muli sa Qing dynasty. Una itong ginawang pahingahan ng mga emperador hanggang naisipan ni Emperor Yongzheng ng Qing dynasty na tumira dito. Magmula noon hanggang matapos ang Qing dynasty ay dito na tumira ang mga emperador.

Ang pangalang Hall of Mental Cultivation ay hango sa tinuran ni Mencius sa Chapter of Dedication: “Leading a frugal life is the best way to cultivate the mind.”

Sa orihinal nitong lugar sa gitna ng Forbidden City ay matatagpuan ang bulwagan sa kanlurang bahagi ng palasyo ng Heavenly Purity. Ito ay itinayong symmetrical o balanse ang bawat parte, at ang pangunahing gusali nito ay binubuo ng pangharap at panglikod na bulwagan.

Binubuo ito ng pitong bahagi, at ang pinakauna ay ang Central Hall kung saan dating nagtitipon-tipon ang mga opisyal kasama ang emperador, para pag-usapan ang kalagayan ng kaharian.

Ang pangalawa ay ang West Warmth Chamber kung saan pinag-uusapan ang mga pang-araw araw na pangangasiwa sa gobyerno. Sa panahon ng panunungkulan ni Emperador Qianlong, ang mga pangalan ng mga opisyal na may ranggong general governor, provincial governor, district magistrate, military rank ng general at garrison commander ay makikita sa West Gate ng bahaging ito. Sa kanlurang pader naman ay ang listahan ng mga posisyon sa gobyerno sa buong bansa at ang paraan ng pagpili sa mga itiatalagang opisyal. Sa panahon ng masipag na emperador na si Yongzheng na natutulog lamang ng apat na oras kada araw ay nakalikha siya ng 92,000 na dokumento at nakapagsulat ng mga pambihirang katha na umabot sa 10 milyon na salita.

Sa pangatlong bahagi naman ng bulwagan ay makikita ang Room of Three Rarities, kung saan nag-aaral si Emperor  Qianlong. Hango ang pangalan nito sa tatlong katangian ng isang iskolar, ayon sa Song Dynasty Confucian scholar na si Zhou Dunyi. Mayroong tatlong mahahalagang piraso ng calligraphy na matatagpuan dito: ang “Timely Clearing after Snowfall” ni Wang Zizhi; “Note on Mid-autum” ni Wang Xianzhi, at” A Letter to Boyuan” ni Wan Xun. Ang napakaingat na pagkakaayos ng mga ito ay napanatili simula pa noong naging emperador si Qianlong na sumikat dahil sa pagkahilig sa mga wall vases na pinong pino ang pagkakagawa. Ayon sa kuwento, may 13 ganitong puswelo na maingat na dinadala ng mga taga palasyo tuwing dumadalaw si Qianlong sa Katimugan. Isinasabit ang mga ito sa sedan chair kaya sumikat ang ito sa tawag na “sedan chairvases”.

Sa pang-apat na bahagi ay makikita ang East Warm Chamber, na ayon sa sikat na French missionary at historian na si Jean-Francois Gerbillon, ay inilaan sa mga pintor, iskultor , tagalilok at iba pang mga artist ng palasyo sa panahon ni Emperor Kangxi. Sa panahon naman ni Emperor Yongzheng ay ginaganap dito ang seremonya para sa pagsusulat. Ang sikretong pamumuno ni Empress Dowager Cixi  noong panahon ng Qing dynasty ay dito rin naganap.

Sa panlimang bahagi naman ay nakapaloob ang Immortals Pagoda Buddhist Hall, kung saan nananalangin at nagninilay-nilay ang mga emperador. Ipinagawang muli ito noong taong 1746 hanggang 1747 para sa pagdarasal ni Emperor Qianlong. Ang pitong palapag na Amitabha Pagoda ay nakatindig sa gitna ng kwartong ito na parang isang mandala. Sa lahat ng naging emperador sa Qing Dynasty si Qianlong lamang ang pinakaaktibo sa kanyang pagsamba bilang Tibetan Buddhism. Maliban sa paghango niya ng mga Buddhist scriptures ay isinagawa din niya ang pag-iipon at pagsasaling-wika ng maraming literary classics ng Tibetan Buddhism, at nagpatayo din siya ng maraming templo sa loob at labas ng palasyo.

Ang pang anim na bahagi ay siyang tulugan ng mga emperador. Mayroong limang haligi sa bawat sulok. Ang likod na bahagi ng Hall of Mental Cultivation ay konektado sa harapang bahagi sa pamamagitan ng isang lagusan kung saan makikita hanggang ngayon ang pinakatulugan ng emperador. Sa itaas na bahagi ng higaan ay may plake kung saan nakalilok ang salitang Intsik na ang kahulugan ay “panibagong araw”. Sa ibaba ng plake ay nakasulat naman ang katagang “fortitude of heaven” o panggalan ng langit. Ang kanlurang bahagi ay ginagamit na hugasan, bihisan at kuhanan ng tsaa. Dito makikita na ang kaharian sa panahong ng Qing dynasty ay nakikilala ang estado ng isang tao base sa mga ginagamit nitong gamit sa pangkain. Iba-iba ang materyal, dibuho, kulay at dami ng gamit, depende sa ranggo ng gumagamit. Ang lahat ng gamit ng emperador ay pasadya, mula sa ginto, pilak, jade, porselana, enamel o ivory.

Sa panghuling bahagi naman makikita ang Imperial Workshop na itinatag noong panahon ni Emperor Kangxi. Ayon na rin sa pangalan ng parteng ito, dito ginagawa ang lahat ng mga gamit ng emperador. Kinakalap ng palasyo ang mga mahuhusay na manlililok sa lahat ng panig ng kaharian para lalong mapaganda ang 61 klase ng produkto na galing lamang sa Imperial Workshop. Ang mga materyales, disenyo, porma at pamamaraan ng paggawa ay ayon lahat sa takda ng kaharian. Mismong si Emperedor Yongzheng ang nagsabi na kailangang mapanatili dito ang mga istriktong pamantayan sa paggawa, at pati na rin ang patuloy na pagtuklas ng mas magandang paraan para sa pagpapadami ng produkto.

Hindi kataka-taka na ang gumagawa ng isang obra maestra ay inoobligahang gumawa muna ng balangkas ng proyekto at humanda para sa anumang puna o panukala ng emperador bago ito isakatuparan.

Ang exhibit ay tatagal ng hanggang Oct. 15. Nakatakdang isagawa ang dalawang family workshop, sa October 1 at 10, para magsilbing inspirasyon sa mga kabataan at kanilang mga magulang na magsabay na pumunta sa exhibit at matuklasan ang ilang mahalagang aspeto ng kanilang kultura. Gagawin ito sa pamamagitan ng laro, kwento, at pagsasadula. Magsisimula ito mula alas tres hanggang alas kuwatro ng hapon sa unang palapag ng museo. Para sa mga katanungan maaring tumawag sa numero bilang 27342178.

Bukas ang museum tuwing Lunes, at mula Miyerkules hanggang Biyernes, 10am-6pm. Tuwing Sabado, Linggo at public holidays ay bukas ito mula 10am-7pm. Sarado ito tuwing Martes.

Ang Hong KongHeritage Museum ay matatagpuan sa  #1 Man Lam Road, Shatin Hong Kong. Maaring tumawag sa numero bilang 21808188 para sa dagdag na kaalaman.

Ang pinakamadaling pagpunta dito ay sa pamamagitan ng pagsakay sa MTR. Bumaba sa Tai Wai station at lumipat ng linya papunta sa Che Kung Mui station. Lumabas sa Exit A at sundan ang direksyon papunta sa museum. Kung bababa sa Shatin station ay kailangang lumakad pa ng mga 15 minuto.

Don't Miss