Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Sa halip na masayang ang talento ng OFW

23 October 2017

Ni Vir B. Lumicao

Puspusan ang pagsasagawa ng iba’t ibang samahan ng mga OFW, mga NGO at ng gobyerno ng mga programang nagbibigay-daan sa pagbabalik ng marami sa mga kababayan nating kasambahay dito sa mga gawaing angkop sa kanilang pinag-aralan.

Nababahala ang pamahalaan sa nasasayang na kaalaman ng maraming Pinoy na nagtatapos sa pamantasan taun-taon dahil nauuwi sila sa pagkakatulong sa ibang lugar dala ng kakulangan ng trabaho o maliit na sahod sa atin.

Nakapanghihinayang na marami sa libu-libong kababayan nating kasambahay dito sa Hong Kong ang nagtapos ng mga kursong pampropesyon ngunit walang mapasukang akmang trabaho sa ating bayan.

Kaya ang pangingibayong-dagat, anumang trabaho ang mapasukan nila, ang lohikal na pinuntirya ng mga manggagawang ito.

Noong nakaraang Marso at Abril ay tinatayang nasa isang milyon ang bilang ng mga nagtapos sa mga kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas. Ang bilang na iyon ay humigit-kumulang sa 10% ng populasyon ng bansa.

Ang mga nagtapos na kabataan na dumagdag sa hanay ng mga manggagawa ayon sa estadistika ng pamahalaan, ay umabot na sa 42 milyon noong Enero. Ngunit saan mamamasukan ang karamihan sa mga kabataang ito?

Dahil sa dami ng ani sa akademiya taun-taon, naging mahigpit ang labanan para sa trabaho at naging mapili ang malalaking kumpanya. Dahil sa labis-labis na bilang ng mga manggagawa ay nauso ang “contractualization” sa maraming negosyo at opisina, na tuluyang tumibag sa tradisyon na ang trabaho ng isang tao ay panghabambuhay dahil protektado ng Labor Code.

Maliban sa matitibay at matatandang kumpanya, sa serbisyo-sibil at sa pribadong sektor, marami ngayon ang “contractual” na trabahador, yaong mga nakakontratang papasok lang ng anim na buwan at pagkatapos ay sisisantihin na ng kumpanya upang mabigyang-daan naman ang iba pang manggagawang naghintay sa mababakanteng puwesto.

Panandaliang trabaho man ang mga ito ay isinasama rin sila sa estadistika ng gobyerno, kaya sa likod ng matataas na numero ay nagkukubli ang tunay na larawan ng kawalang-trabaho, paghihikahos, desperasyon, at pagpupuyos.

Hindi naman maisisisi sa gobyerno ang lahat ng suliranin sa kabuhayan. Ang kakulangan sa trabaho ay sanhi ng mabagal na pagsulong ng ekonomiya na nagsimula noong Dekada 70, nang humina ang mga industriya sa Pilipinas dulot ng mabilis na pagtaas ng presyo ng langis at krudo sa pandaigdigang pamilihan, at pagbagsak ng halaga ng piso.

Marami namang dayuhang mangangalakal ang umalis dahil sa kabulukan sa gobyerno lalo na nang idiniklara ang batas-militar. Yaong mga pabrika ng mga kapitalistang dayuhan na dating nagluluwas ng mga produkto natin sa ibayong-dagat ay napilitang magsara nang iginiit ng mga manggagawang Pilipino ang kanilang mga karapatan.

Kasabay ng ganoong sitwasyon sa ekonomiya ng Pilipinas ang mabilis na pagdami ng populasyon dahil sa pagsayaw ng mga lider ng bansa, mambabatas at pulitiko sa tugtog ng Simbahang Katoliko laban sa “birth control”.

Nakita ng mga tagaplano ng ekonomiya sa hindi makakasabay ng pagpapalago sa mga industriya at pagpaparami ng trabahong mapapasukan ang pagputok ng populasyon. Kaya noong 1973 ay inumpisahan na ng Pilipinas ang maramihang pagluluwas ng mga manggagawa sa ibayong-dagat upang doon maghanap-buhay.

Kung noong mga naunang dekada ay mga duktor, nars, musikero at manananghal ang iniluluwas ng Pilipinas, ang mga ito ay nasundan ng mga iba’t ibang uri ng manggagawa.

Simula noon ay sa ibayong-dagat na rin nakatanaw ang marami sa mga nagtatapos sa mga kolehiyo at unibersidad. Nang lumaon ay “mag-abroad” na ang nasa isip ng bawat magsasaka at manggagawa, at mga propesyonal. Maging ang mga titser, nars at komadrona ay namasukan na ring kasambahay.

Nakalulungkot dahil ang mga propesyonal na nagdudulot nga mga batayang serbisyo sa komunidad ay nauwi sa pagiging kasambahay sa ibang bansa. Iniwan nilang kapos sa guro ang mga paaralan at kulang sa nars at komadrona sa mga pagamutan.

Nararamdaman ngayon ng ating bayan ang pagkawala ng mga talentong dapat sana ay mga kababayan natin ang makikinabang. Kaya ngayon ay sinisikap ng mga organisasyon at gobyerno na ibalik sila sa mga sektor na pinagmulan upang doon muling maglingkod.


Don't Miss