Nitong mga nakaraang araw ay nakita natin ang tunay na public opinion, at kung papaano ito nakaka-apekto sa mga opisyal ng gubyerno.
Isang petisyon ang pinirmahan ng 16 na senador noong ika 26 ng Setyembre, na sumisita sa pamahalaan ni Pangulong Duterte na itigil na ang “extra-judicial killings”, lalo’t marami nang bata ang napapatay.
Samakatuwid, ayon sa lohika ng social media, pito sa kanila ang hindi pumirma. Kaya naging “viral” agad ang katagang “The seven deadly sens”. Na ikinagalit ng pito, na kilalang taga-suporta ni Du30. Fake news daw, ika ni Senator Tito Sotto. Hindi raw sila pinapirma ng mga pasimuno nito, na taga oposisyon. Kaya ang ginawa naman nila ay nagpasa sila ng kaparehas na resolusyon, at hindi isinali ang anim na senador ng oposisyon.
Tit for tat, ika nga. Na katawatawa lang. Pero isang komento ang hindi malilimutan ng nagbabasa sa Facebook: “Tinablan din sila ng hiya.”
Ganyan din ang nangyari sa House of Representatives. Ginawang P1,000 lang ang budget ng Commission on Human Rights dahil sa pag-imbestiga nito sa EJK. Sa init ng batikos at puna mula sa publiko, na nagbantang hindi kalilimutan ang mga bumoto na gutumin ang CHR, pasimpleng ibinalik ng mga Congressman ang budget ng ahensiya. Mas maliit nga lang ito kesa sa nakaraang taon.
Sa kabila ng pangingibabaw ng public opinon, kailangan pa rin ang pagbabantay.
Sa planong ipataw ang martial law sa buong bansa, halimbawa, pinakamaking balakid ang malayang hudikatura. Sinimulan na ang impeachment ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Isinusunod pa ang kay Ombudsman Conchita Carpio Morales.
Ayon sa survey na ginawa ng Social Weather Station, lumabas na 54% ang hindi naniniwala na “nanlaban” ang mga napatay sa Drug War, at 20% ang naniniwala. Ganito rin kaya ang maging tingin ng publiko sa impeachment?