Pangkalahatang kampeon sa mga ginanap na palaro ang Red Team, na nag-uwi ng pinakamalaking tropeo at papremyong $300.
Pumangalawa ang Black Team, na nabigyan din ng tropeo at papremyong $200, samantalang pumangatlo ang Blue-Green Team, na nag-uwi ng $100 bilang premyo.
Ang lahat ng manlalarong lumahok ay may natanggap na regalo batay sa bilang ng ma sinalihang palaro, talo man o panalo. Nabigyan din ng mga medalya ang mga mahusay na manlalaro.
Nagdagdag anghang sa programa ang paligsahan sa cheerleading, na napanalunan ng Black Team.
Nagsimula ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pag-aalay ng pasasalamat at paghingi ng gabay sa Panginoon sa pamumuno ni Mirasol Salanga, ang bise-presidente ng Kapatid-Kaibigan-Kapamilya o KKK.
Sinundan iyon ng nagbigay-inspirasyong mensahe ni Reynaldo Macalalad, ang nagtatag at presidente ng KKK.
Naging malaking bahagi ng programa ang mga panauhing pangdangal na sina Sanny delos Santos, ang nagtatag ng Fat Big Heart, na isa sa mga nagtalumpati; ang kanyang maybahay na si Liezel; at si Regina de Andres, na nagtatag at administrador ng OFWs in Hong Kong, na isa rin sa mga nagsalita.
Ang mag-asawang Delos Santos at si De Andres ang tumulong at umalalay sa The Adventurers hanggang sa matapos ang programa.
Nairaos ang pagdiriwang pagkaraan ng isang buwang pagod, puyat at emosyon na ginugol ng bawat miyembro sa paghahanda para sa espesyal na araw. Kabilang dito ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang lider ng koponang sumali.
Tumulong naman sa pangangailangang pinansyal ang mga kaibigan sa komunidad at isang kumpanya.
“Ang lahat ng pagod at puyat bilang namumuno sa aming kapatiran ay nasulit sa tagumpay ng anibersaryo. Kaysarap pagmasdan ang mga ngiti at pagkakaisa ng lahat,” sabi ni Analyn Soriba, ang pangulo ng The Adventurers.
Ang samahan ay bukas sa lahat ng mga nais sumali, sabi pa niya.