Gumigising ang amo ng mga alas kuwatro ng hapon at kaagad siyang uutusan ng kung ano-ano, katulad ng pagpapadeposito sa kanya ng tseke mga 20 minuto bago magsara ang bangko ng alas singko ng hapon. Dahil may kalayuan ang bangko ay kailangan niyang tumakbo para makaabot.
Minsan naman ay may pinapa-deliver sa kanya na mga kahong plastic para sa mga files na 2 x 3 feet ang laki at mabigat. Sukat ba namang sabihin na i-push cart na lang niya ang mga ito sa layong dalawang kilometro. Sa galit ni Rose ay sinigawan niya ang amo ng, “Why don’t you just rent a van?”
Mula noon ay hindi na naging maayos ang kanilang relasyon.
Nag-iinit ang ulo ni Rose sa mga ganitong utos dahil pagod na pagod siya sa gawaing bahay. Mula paggising niya ng 8 ng umaga ay kumakayod na siya. Nagpapakain ng alagang matanda, namamalengke, naglilinis, naglalaba at kung ano-ano pang gawain sa bahay.
Kung tutuusin, hindi na niya dapat trabaho ang mga inuutos ng amo, na kadalasan ay kailangan pa niyang gawin nang madalasan. “Pagod na ako maghapon, siya kagigising pa lang, tapos ay kung ano-ano ang inuutos. Hay naku!,” ang sambit ni Rose.
Sa kabila nito ay magiliw at mabait namang makipag-usap sa kanya ang amo, hanggang sabihin ni Rose na hindi na siya pipirma sa panibagong kontrata.
Nagalit bigla ang amo at sinabihan siyang wala siyang makukuha para sa long service dahil siya ang umayaw sa kanilang kontrata. Sa isip naman ni Rose, di bale nang wala siyang makuhang extra na bayad, basta makakawala lang sa amo. “Sa edad kong 50, hindi ko na kailangan pang mahirapan, uuwi na lang ako ng Pampanga,” ang sabi niya. – George Manalansan