Ang trabaho ng seaman ay parang sa domestic helper: dahil ang tirahan ay nasa pinagtatrabahuan mo na rin, walang gastos sa renta, pamasahe at pagkain. Pero hindi gaya ng DH na buo ang nakukuha nilang sahod buwan-buwan, ang personal na pera ng seaman ay galing lang sa mga ekstrang kita gaya ng allowance at overtime, dahil buong sahod nila ay diretsong napupunta sa kanilang pamilya.
Marami ang masaya sa ganitong kalakaran, lalo na ang mga pamilya ng seaman, dahil sigurado silang makatatanggap ng perang panggastos sa araw-araw. Ganito rin si Jun delos Reyes Domingo, na naninirahan sa Lipa City, dahil sarili na lang niya ang iniisip.
“Hindi ko na kasi pinoproblema ang pera para sa pamilya,” ika niya sa isang pagtitipon ng CARD OFW Hong Kong Foundation kamakailan.
Mula nang unang sumakay siya ng barko pagkatapos mag-graduate sa kolehiyo, hanggang mag-asawa na siya, ang naiipon niya habang nasa barko ay pambili na lang ng pasalubong sa pag-uwi niya kapag nakatapos siya ng kontrata.
“Nagkaka-problema lang kung may biglang pangangailangan, gaya ng kung may naospital sa mga kamag-anak ko,” dagdag pa niya.
Nabago ang pananaw niya noong 2002 nang matapos ang kanyang kontrata at bumaba siya upang maghanap ulit ng susunod na barkong sasakyan. Panahon iyon ng panghihina ng industriya ng shipping, kaya mahirap makakita ng lilipatang barko.
“Kapag umuwi tayo, walang hanap-buhay,” aniya. “Kaya kapag naubos na ang uwing pera, kahit pambili ng gatas ay wala. Pambayad sa bahay na hinuhulugan, hindi alam kung saan kukunin. Pang araw-araw, inuutang. Kapag lalapit sa mga magulang, aabutin ka pa ng maraming sermon.”
Sa paghahanap ng pagkakakitaan sa harap ng pagdarahop, napag-usapan nilang mag-asawa na mag buy-and-sell.
“Mamimili kami ng anu-ano sa Divisoria at ilalako namin saan-saan. Nakakaabot kami sa Cavite, Bulacan ay Nueva Ecija.” Gamit nila ang isang owner jeep na nirentahan. Karamihan sa mga gamit-bahay ay hulugan, kaya nakakabalik sila sa mga napagbentahan upang magdala ulit ng mga bagong produkto.
At sa mga lugar ding iyon namimili sila ng bagong paninda, gamit ang pinagbentahan, upang may maibenta sa susunod na pupuntahang lugar. Isa sa pinakamibili noon ay isang frame ng batis na mukhang may tunay na tubig na dumadaloy, na binibili nila sa Divisoria.
Nakaraos silang mag-anak ng 18 buwan dahil dito. Nagbigay din ito ng leksiyon sa kanya. Kaya nang makakita ulit si Jun ng barkong masasakyan, hindi na siya gaya ng dati na umaalis sa Pilipinas na walang wala at minsan ay lubog pa sa utang, at dumarating pabalik na may pera .
Dahil sa natutunan niyang hanapbuhay, hindi na niya pinalampas ang pagkakataong kumita ng ekstra: nagdala siya ng mga produktong maibebenta sa magiging kasamahan niya sa barko, gaya ng SIM card, cell phone at mga sitsirya.
May apat na cell phone siyang hindi maibenta, dahil hindi angkop sa mga lugar na dinadaungan ng kanilang barko. Kaya iniuwi niya ito ay ipinabenta sa isang kaibigan.
Ang siste, nagamit ng kaibigan ang pinagbentahan, kaya nangako itong babayaran na lang kapag naibenta niya ang bahay na hinuhulugan.
Nagka-ideya si Jun. Para sigurado siyang mabayaran, bakit hindi na lang siya ang bumili ng bahay at ibawas na lang ang utang ng kaibigan sa ibabayad niya, at siya na rin ang magtutuloy ng paghuhulog sa developer. Lumabas na mga P30,000 ang total na utang ng kaibigan, kaya dinagdagan na lang nila ito nang kaunti upang makuha ang bahay. Dito itinayo noong 2012 ang negosyong nagpabago ng kanyang buhay.
Habang nakatayo sila sa harap ng bahay at iniisip kung ano ang gagawin dito, nagsalita ang asawa niya: “Tindahan.”
“Ako naman, sumasang-ayon lang sa kanya, dahil nakikita ko naman kung paano siya magdala, lalo na noong walang wala kami” dagdag ni Jun.
Binutas nila ang isang bintana, at nagsabit ng pouches ng kape at Milo. Naging popular ito, dahil nag-iinit sila ng tubig sa madaling araw para sa mga construction worker na papunta sa mga bahay na itinatayo sa subdivision.
Gamit ang inutang na P5,000 mula sa malapit na CARD SME Bank, na madali nilang nakuha dahil kasapi ang asawa niya sa CARD, namili sila ng iba pang paninda.
“Hindi naman kailangang magsimula sa malaki,” ika ni Jun. “Tingnan muna natin kung tatakbo tayo.”
Ang binibili nilang paninda ay iyong hinahanap ng tao, gaya ng sardinas, sabon at iba pa. Halimbawa, nang may maghanap ng bigas, lumuwas siya sa bayan at nag-bitbit nito pauwi, kahit ang tubo ay P50 lang bawa’t sako.
Noong makasakay ulit siya ng barko, nagpapadala na rin siya ng pandagdag sa puhunan. Habang dumarami ang mabibili ng mga tao sa tindahan, lumalaki rin ang kanilang benta araw-araw.
Pagdating niya pagkatapos ng isa pang kontrata ay nagulat siya at puno na ito ng paninda. Ito ang naging pinaka-malaking grocery store sa buong subdivision nila, kaya naging puntahan na sila ng mga residente para sa pag-araw-araw na pangangailangan nila.
Patuloy pa rin silang sensitibo sa ano ang hanap ng mamimili. Noong may magtanong kung mayroon silang cooking gas, bumili siya nito sa bayan para ibenta sa tindahan. Nagsimula siya sa padala-dalawang tangke, na naka-display sa harapan ng tindahan. Nang dumami ang bumibili nito, hinanap niya ang wholesaler at doon siya nakakuha ng gas sa mas mababang halaga, at free delivery pa.
Maya-maya, mayroon na rin siyang water filling station.
Ang dating P5,000 na utang niya sa banko ay naging P500,000, isang pagpapatunay na may tiwala sila sa kanyang kakayahang magbayad.
Noong 2015 ay pumasa si Jun sa exam upang maging opisyal ng barko pero hindi na siya sumakay ulit dahil hindi na niya kailangang mawalay pa sa pamilya para maghanapbuhay.
Ang tindahan niya ay sapat na upang matustusan ang pagiaaral ng mga anak, mabayaran ang mga utang, at maging masagana ang hinaharap ng kanyang pamilya. --LD