Kahit humingi na si Fe ng katakot-takot na paumanhin ay hindi tinanggap ng amo. Walang nagawa si Fe kundi tanggapin ang termination, bago nagpunta sa Philippine Overseas Labor Office para ipakuwenta ang mga dapat bayaran sa kanya.
Umabot sa $9,917.00 ang lahat ng makukuha ni Fe dahil sa kanyang hindi nabayarang sahod, isang buwang suweldo kapalit ng isang buwang pasahe, taunang bakasyon at allowance pabalik sa Pilipinas, bukod pa ang para sa plane ticket.
Nagulat ang kanyang among babae sa laki ng babayaran. Nang malaman ng kanyang among lalaki at alaga ang tungkol sa balak na pagpapaalis kay Fe ay tinutulan nila ito.
Natuwa naman si Fe na hindi natuloy ang kanyang pag-alis, dahil kahit paano ay hindi siya nahirapan sa biglang pag-aalsa balutan at paghahanap ng malilipatan. Pilit na lang niyang iniintindi ang masungit na among babae na nagpapirma pa sa kanya sa isang kasunduan na nagtatakda ng mga bagong pamamaraan sa loob ng bahay.
Ang payo ni Fe sa mga kapwa OFW, alamin nila ang kanilang mga karapatan at pumunta agad sa POLO at kung sakaling magka problema. Ngayong isang buwan na lang ang natitira sa kanyang kontrata ay nag-uumpisa nang maghanap ng lilipatan si Fe na nagtatrabaho sa Mongkok at tubong Ilocos Sur. Hangad niya ang makahanap siya ng mabait na amo. – Rodelia Villar