Nasa ikatlong buwan pa lang sa trabaho si Mae nang mahuli ng Immigration sa airport habang nagsusundo ng mga bagong dating na katulong na ni-recruit ng kanyang amo na may-ari ng isang employment agency.
Hindi nalaman ng kanyang mga kamag-anak sa Iloilo kung saan ikinulong si Mae, pero tinawagan sila ng mga awtoridad sa Hong Kong para sabihing “ready for deportation” na daw ito.
Sinabi din sa kanila na ang amo nito ay sinampahan ng kaso ng Immigration para sa pagpapatrabaho ng ilegal ng kanyang katulong.
Ayon sa batas ng Hong Kong, hindi legal ang magtrabaho sa iba, at sa labas ng bahay ng among nakapirma sa kontrata.
Kabilang sa mga bawal ang magtrabaho sa shop, restaurant o opisina, kahit ang mga ito ay pag-aari ng amo. Bawal din ang magtrabaho sa ibang bahay, kahit pa ang may-ari nito ay malapit na kamag-anak ng amo. Naghihintay ngayon ang kanyang mga ka-pamilya para sa paglalahad ni Mae ng buong kuwento kung paano siya nahuli at nakulong. Si Mae ay may asawa at tatlong anak. – Merly T. Bunda