Nakumbinsi naman si Vivian na lumipat dahil di hamak na mas malaki ang suweldo dito. Ngunit nabigla siya nang malaman na hindi kasing dali ng kanyang dating trabaho sa Dubai ang naghihintay sa kanya dito.
Dahil magkapatid ang kanilang mga amo, laging si Vilma ang napaghihingahan ni Vivian ng reklamo. Kesyo wala na daw siyang oras para kumain dahil tambak ang kanyang trabaho. Masyado daw kasing maselan ang kanyang amo, at lahat ng sulok ng bahay, kabilang ang mga cabinet, ay dapat linisin lagi. Mahilig pa raw mag “piano” ang amo – na ang ibig sabihin ay pinadadaan ang mga daliri sa mga gamit para masigurong wala ng alikabok ang mga ito.
Minsan ay nakausap ni Vilma ang isa nilang kamag-anak, at agad nitong ipinaabot na gusto na daw ni Vivian na magbitiw, at bumalik na lang sa Dubai. Sa inis ay sinabi ni Vilma na masyadong mareklamo ang kapatid dahil ang gusto lang nito ay ang mag dudotdot sa telepono.
Sa inis ni Vilma ay ilang araw niyang hindi kinausap ang kapatid, at nang hindi na talaga makapagpigil ay sinabihan nito na kung gusto niyang bumalik sa Dubai ay bayaran muna niya ang lahat na ginastos nito sa kanya at bahala na siya.
Sinabi din niya na hindi pare-pareho ang kapalaran ng lahat sa mga amo.
Ngayon ay magta-tatlong buwan na si Vivian sa kanyang mga amo na nakatira sa Shatin pero hindi pa rin siya nasasanay sa kanyang trabaho. – Merly T. Bunda