Kasi, kahit 10 taon na na siya sa Hong Kong ay ang minimum na $4,310 pa rin ang kanyang sahod, samantalang ang isang bago nilang kakilala na tatlong buwan pa lang dito ay mas mataas pa ng $100 ang sahod sa kanya.
Lalong nagngingitngit si Leony dahil mas marami nang di hamak ang gawain niya kaysa sa bagong salta. May alaga siyang bata, at bukod sa pamamalengke at pagluluto ay kailangan pa niyang maglinis ng dalawang kotse at mag-alaga ng isang rabbit. Ang mas nakakainis ay malaki ang bahay ng kanyang amo, samantalang maliit lang ang kailangang linisin ng bagito, at ang alaga ay isang matanda na aktibo pa.
“Nasaan ang hustisya?” ang nasambit niya sa kanilang umpukan minsan.
Sumagot naman ang isa niyang kaibigan ng, “Magsabi ka kasi, wala kang laban kapag hindi mo ipinarating ang sa akala mo ay tama. Baka lampas pa sa $100 ang idagdag sa sahod mo,” sabi nito.
Sa muli nilang pagkikita sa kanilang day off, masayang ibinalita ni Leony na nangako ang kanyang amo na itataas ang kanyang sahod ng higit pa sa isang baguhan. “Tama ka, friend, kailangan mo lang magsalita, lalo kung patas ang pagtingin ng iyong amo. Salamat.” – George Manalansan