Bagamat iniwan sila ng ama noong sila ay mga bata pa kaya ang ina ang mag-isang nagtaguyod sa kanila ay nanaig pa rin ang kabaitan ng dalawang bata. Sila na ang nagkumbinsi kay Ate Lenny na tanggapin muli ang kanilang ama.
Hindi na daw nakapalag si Ate dahil tanggap na tanggap na ng kanyang dalawang anak ang pagbabalik ng kanilang ama kahit na pinabayaan sila nito noon habang siya ang nagsakripisyong malayo para mabigyan sila ng magandang buhay.
Mabuti na lang at kahit naging malas siya sa asawa ay naging napakapalad naman niya sa kanyang mga amo dahil sobrang bait ng mga ito sa kanya. Binigyan siya ng mataas na sahod at trinato na parang kapamilya. Ilang beses nilang ginastusan ang pamamasyal ng mga anak ni Ate sa Hong Kong, at tuwing magkakaroon sila ng problema sa pera ay agad silang tinutulungan.
Maayos, masipag at mapagkakatiwalaan daw kasi si Ate, lalo na sa pag-aalaga sa kanilang nag-iisang anak. Natuwa pa daw ang mga amo nang malaman na ang kanilang anak ay nasanay sa pagkain ng mga lutong Pinoy katulad ng adobo at sinigang na hipon.
Hanggang ngayon na nasa Europa na ang alaga ay hinihiling pa rin na lutuan siya ng pagkaing Pinoy ng yaya kapag nagbabakasyon ito sa Hong Kong.
Ang mga sarili niyang anak ay maganda na rin ang takbo ng buhay. Kamakailan lang ay napili ang bunso niya ng kumpanyang kanyang pinagtatrabahuan sa Pilipinas na ipadala sa New Zealand para doon na magtrabaho.
Walang pagsidlan sa tuwa si Ate tuwing ikinukuwento sa mga kaibigan ang pagiging suwerte niya sa mga anak. Baka daw ang mangyari ay sa New Zealand na siya mag for good at hindi sa Pilipinas. Si Ate Lenny ay tubong Nueva Ecija, 55 taong gulang at kasalukuyan paring naninilbihan sa mga mababait niyang among Intsik sa Shatin. – Marites Palma