Napaaway si Vazquez sa mga tindera doon nang kulang ang isukli sa $500 na ibinayad niya sa kanila noong Set. 17, bandang 5pm. Imbes $472 ay $72 lang ang ibinalik sa kanya dahil $100 lang daw ang iniabot niya.
“Hindi ko sukat akalain na ang $400 ko ay maglaho nang parang bula!” ang sabi ni Elvira. Nang magpilit siya na tingnan nila sa CCTV na nakaumang sa kahera kung magkano talaga ang ibinayad niya ay sinabihan siyang hindi malinaw ang kuha. Katakot-takot na pang-aalipusta pa ang ginawa sa kanya kaya napilitan siyang umatras pansamantala.
Humingi siya ng payo sa The SUN, at sinabihan siyang kung Pilipino ang may-ari sa tindahan ay maari siyang humingi ng tulong sa Konsulado. Kung Intsik naman ay mas maigi na sa Consumer Council siya lumapit para mapilitan ang may-ari na ipakita ang kuha sa CCTV.
Sinabihan din siya na sana ay tumawag siya agad ng pulis para agad nagkaalaman kung sino sa kanila ng tindera ang nagsasabi ng totoo.
Sabi ni Elvira, nataranta lang daw siya nang sobra noong mga oras na iyon, at kailangan na rin niyang umuwi sa bahay ng amo niya, kaya siya nag blackout. Pero malaki naman ang kumpiyansa niya na maipaglalaban niya ang kanyang kaso dahil may resibo siya mula sa BDO na nag withdraw siya ng $3,000, bago dumiretso sa kalapit na tindahan para mamili.
Noong sumunod na Linggo, Sept. 24, ay bumalik siya muli sa tindahan kasama ang isang kaibigan at muling hiningi ang kuha sa CCTV ng tindahan. Ganoon na lang daw ang gulat niya nang isang screen shot na malabo ang ipinakita sa kanya.
Dahil hindi nakontento ay sinabihan niya ang mga tindera ng “Good luck na lang sa footage ng CCTV ninyo, magko-complain ako sa Consulate!”
Kinabukasan, Lunes, bandang 5pm ay tinawagan siya ng isang tauhan ng tindahan at ibabalik daw ang pera niya. “Nag thank you na lang ako kahit ang dami-dami pa nilang sinabing iba”, sabi ni Elvira. Sapat na daw na naipaglaban niya ang karapatan niya at napahiya niya ang mga taong pilit siyang dinadaya. Sana daw ay magsilbing aral din ito sa mga kapwa niya OFW na maaaring malagay sa parehong sitwasyon. - DCLM