Damang-dama ang saya ng lahat nang matapos ang pinakahuling pagsasanay pang-pinansyal ng CARD Hong Kong Foundation noong Setyembre 24 sa Bayanihan Centre sa Kennedy Town.
Ayon sa mga trainor o mga nagturo, damang dama nila ang tuwa at interes ng 53 migranteng manggawa na sumali kaya ganado silang magturo.
Sambit ng isa sa mga sumali, “Para tayong balik-eskwela”, na ang tinutukoy ay ang kasiyahang bumabalot sa grupo habang sila ay nagtuturuan.
Ang mga nagtapos at ang kanilang mga traibnors matapos ang selebrasyon ng kanilang pagtatapos sa pagsasanay pang-pinansyal sa ilalim ng CARD Hong Kong. |
Ayon kay Victoria Munar na lead trainor, mahigit 2,000 OFW na ang natapos sa pagsasanay na ito ng CARD HK. May mga bumalik na sa Pilipinas para magtayo ng sariling negosyo, o kaya ay bihasa na sa usaping pinansyal na nagagamit nila sa paghahanda para sa mas magandang bukas.
Sa pinakahuling sesyon, naging mabunga ang talakayan mula umaga hanggang hapon. Sinaklaw nito ang mga kaalaman tungkol sa tamang paghawak ng pinaghirapang kita. Una, ang pagsusulat ng tukoy na layunin at ng mga hakbang at pamamaraan kung paano ito makamit. Layunin nito na isapapel ng nagsasanay ang pangarap na dati ay “drawing” lamang, para magkaroon ng paglilinaw at pagpaliwanag kung paano balak ipatupad ang minimithi sa buhay. Ang tamang paraan para ito maisakatuparan ay ang pag-iipon ayon sa tamang panuntunan: income – savings = expenses. Ibig sabihin, dapat munang maglaan para sa ipon bago gumastos para sa pangangailangan.
Natalakay din na dapat maghanda para sa mga di-inaasahang pangyayari, gaya ng pagkakasakit, aksidente, pagtaas ng bilihin, pabago-bagong palitan ng pera, at pati na rin ng mga kalamidad katulad ng bagyo, lindol, tagtuyot. Itinuro sa mga nagsanay ang ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pondo (emergency fund at insurance ) upang maiwasan ang pangungutang sakaling dumating ang mga ganitong di-inaasahang pangyayari.
Ang huling bahagi ng pang-umagang talakayan ay ang paglilista ng mga ari-arian at pananagutan para malaman ang sariling neto (net worth), na dapat ay taon-taong itinatala upang malaman ang kasalukuyang estadong pinansyal.
Sa hapon, naging masarap ang usapan nang talakayin ni Emelia Dellosa ang kahalagahan ng pagba-budget ng kita. Nalaman ng mga nagsasanay na para mas maging epektibo ang paggasta, kailangang magtakda ng panahon, halimbawa buwanan, at ilista ang kita, layunin na ipon at mga gastusin. Pagkatapos ay suriin ang resulta, isaayos at i-update kung kailangan.
Binigyan ng “budgeting worksheet” ang bawat nagsasanay, at ginabayan ng mga trainor ang kanilang paglilista.
Ang mga may tanong ay agad namang nakakuha ng kasagutan kina Munar at kay Clara Baybay, ang chair ng CARD HK.
Ang sumunod na paksa ay utang. Sinabihan ang mga nagsasanay na hindi naman masama ang mangutang, ngunit dapat ito ay ginagamit sa mabuti. Inisa-isa ng mga trainor ang mga katagang ginagamit sa utangan at ang kahalugan ng mga ito, kabilang ang “principal” o halaga ng inutang, “interest, amortization, maturity, guarantor, penalty, reference at collateral. Tinalakay din ang masamang epekto ng pagkabaon sa utang, tulad ng pagpapatiwakal.
Ang sumunod na paksa ay ang tungkol sa “tough love” o kung bakit hirap humindi ang isang OFW sa hiling o kapritso ng mga mahal sa buhay kahit na mabaon pa ito sa utang.
Ayon kay Baybay na isang abugada, nakasaad sa Family Code ng Pilipinas kung sino lang ang dapat sustentuhan sa pamilya. Unang una dito ang asawa – “kung matino”, paglilinaw niya, at mga anak na edad hanggang disi-otso anyos, o walang kapasidad buhayin ang sarili. Pasubali niya, ang mga magulang ay kailangan ding suportahan kung hindi na nila kayang buhayin ang sarili.
Sa panghuli ang pinagtuunan naman ng pansin ay kung paano magpalago ng pera, kabilang na ang ibat-ibang paglalagakan ng kita at ang mga risko o panganib na kaakibat nito.
Sinabihan ang mga nagsanay na habang tumataas ang kita o balik ng pera ay tumataas din ang risko na puwedeng mawala ang puhunan. Nagbigay ang trainor ng halimbawa ng iba-ibang uri ng investment, katulad ng multu-level marketing o networking, real estate, mutual fund at franchising at binusisi ang “risk vs return” ng bawat isa.
Bago natapos ang pagsasanay ay binigyan ng papel ang bawat kalahok para isulat ang kanilang nagustuhan sa programa at ang kanilang mga suhestiyon para mas mapabuti ito.
Nang basahin ang kanilang mga isinulat ay lumitaw na mas lamang ang positibong sagot. Sabi ng isa, “Salamat po at mahalaga ang natutunan namin sa araw na ito, salamat po sa tips at babala, mag-iingat na po kami sa pagbitaw ng pera at totohanin ko na po ang mag-impok.”
Hinikayat ang mga dumalo na mag-imbita ng mga kaibigan o kakilala na pwedeng lumahok sa susunod na “financial literacy” training na gaganapin sa ika- 22 ng Oktubre sa Bayanihan Centre din. Tumawag lang sa 95296392/54238196 para magpatala.