(Sa nakaraang tatlong buwan ay inilathala namin ang kuwento ng ilang OFW na nagtagumpay sa balak na pagnenegosyo matapos bumalik sa Pilipinas para ipagpatuloy ang naudlot na buhay. Sa isyung ito ay ikukuwento naman naming ang buhay ng isang ex-OFW na matagumpay na nagbalik sa pagtuturo pagkatapos manilbihan sa Hong Kong ng anim na taon).
Si Rowena Jose Dela Cruz at ang kanyang pamilya pagkatapos ng kanilang simba. |
Hindi biro ang ginawa niyang pagtalikod sa mas malaking kita at mababait na mga amo, kapalit ng pagkakataong makapiling muli ang asawa at nag-iisang anak. Mabuti na lang at sinuportahan ng kanyang mga amo ang kanyang desisyon kaya nakauwi siya nang matiwasay.
Dati nang guro si Rowena sa kanilang lugar sa Quirino bago siya nagdesisyon na mangibang bansa. Sa paglipas ng mahabang panahon ay hindi daw nawala ang kanyang pagnanais na makabalik sa pagtuturo. Kailangan lang niyang mag-ipon ng kaunti para masigurado ang kinabukasan ng kanyang anak.
Mabuti na lang at hindi naging mahirap ang ginawa niyang pagbabalik sa dating propesyon. Isa na siyang permanenteng guro ngayon at adviser ng 32 estudyante sa grade 9 sa Nagtipunan High School na nasa barangay Ponggo, Nagtipunan, Quirino.
Pero hindi dito nagtatapos ang pagnanais niyang mas umusad pa sa minamahal niyang karera dahil kumuha siya ng karagdagang 18 units para sa kanyang masteral degree.
Ang sabi niya, hindi naman talaga sagabal ang kaunting sahod, ang importante ay may direksyon ka. Ang ibig sabihin, matuto kang pagkasyahin ang kung ano lang na mayroon ka.
Gayunpaman, naging malaking tulong din ang pagtaas ng suweldo ng mga guro sa Pilipinas para mahimok siyang umuwi na at magturo ulit.
“My salary is more than enough for my family, though it’s a little bit less than what I was receiving in Hong Kong. But my biggest bonus is I am able to see my kid grow and be with my husband every day,” sabi ni Rowena.
“Masaya ako sa naging desisyon naming mag-asawa na umuwi na lang ako at magtulungan kami gaya ng aming sinumpaan na sa hirap at ginahawa ay magkasama kami.”
Ang asawa niya ay patuloy na tumutulong para mapaganda ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagda-drive, mapa van, jeepney, o kotse man iyon.
Inaamin niya na noong una ay nag-alangan siyang umuwi dahil hindi niya alam kung may babalikan pa siyang trabaho, pero sa kagustuhan niyang makasama ang kanyang pamilya ay nagpursigi siya. Sinamantala niya ang pagkakataon na matuto ng mga bagong kakayahan sa pamamagitan ng pagsali sa iba-ibang pagsasanay para sa pangkabuhayan katulad ng mga regular na isinasagawa ng OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) at iba pang grupo.
Hinihikayat ni Rowena ang mga kagaya niyang mga guro na nasa Hong Kong pa na huwag matakot na balikan ang kanilang dating propesyon. Siya daw mismo ay nahinto ng 15 taon sa pagtuturo ngunit nakaya naman niyang bumalik.
Ang payo niya sa kanila: “Prepare ahead of time. Focus. You need to have one direction and still see teaching as your passion, because it will help you to adapt or cope with your new environment.”
Sa kabila ng pagdating ng mga biyaya sa kanyang buhay pagkatapos nyang mag for good, patuloy pa rin daw humihingi si Rowena ng patnubay sa Panginoon. Alam niyang kailangan ito para matupad ang mga plano nilang mag-asawa.