Nais sana ni Gina na ipaliwanag sa kausap kung ano ang POLO ngunit bumukas na ang lift at nagmamadali itong lumayo. Nagtataka ngayon si Gina kung bakit hindi alam ni kabayan ang Polo gayong isa siyang OFW at sigurado namang dumaan sa PDOS o pre-departure orientation seminar sa Pilipinas, kung saan sinasabihan ang lahat ng mga paalis ng bansa na ang POLO o Philippine Overseas Labor Office ang una nilang lapitan kapag nagkaproblema sa trabaho.
Pagdating sa Hong Kong, dapat ay sumailalim din ito sa PAOS o post arrival orientation seminar para mas lalo nilang maintindihan ang pamamalakad sa lugar na kanilang titirhan.
Naisip tuloy ni Gina na kaya siguro maraming nasisisante sa mga bagong OFW dahil parang hindi nila isinasapuso ang mga tinuturo sa kanila sa training bago umalis ng bansa.
Umaasa siya ngayon na makita niyang muli ang kapwa OFW para maipaliwanag sa kanya ang kahalagahan ng POLO sa mga manggagawang Pilipino na nasa ibang bansa. Si Gina ay taga Cagayan Valley, 40 taong gulang, may pamilya at kasalukuyang naninilbihan sa mga among Briton sa New Territories.- Marites Palma