Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Aga, balik-pelikula

16 October 2017

Nagka-edad at tumaba man, hindi pa rin nawawala ang angking karisma ni Aga Muhlach, na tinaguriang “ultimate leading man” ng pelikulang Pilipino. Marami pa rin siyang fans na sabik na mapanood siyang muli, at ngayon ay nadagdagan pa ang paghanga sa kanya dahil mas lumalim ang kanyang pananaw sa lahat ng bagay, at nanatiling mahusay makisama sa mga kasamahan sa trabaho. 
Sa kanyang pagbabalik-pelikula matapos ang anim na taong pahinga sa showbiz, masaya si Aga na mapabilang sa cast ng Seven Sundays, na tinatampukan din nina Dingdong Dantes, Cristine Reyes, Enrique Gil (bilang mga kapatid ni Aga), at Ronaldo Valdez (bilang ama nila), dahil mahuhusay at magaan daw silang katrabaho. Puring-puri rin niya ang kanilang director na si Cathy Garcia-Molina na ngayon lang niya nakatrabaho, at sana raw ay mai-direk siyang muli sa  isang TV series.
Inamin ni Aga na hirap siyang magpapayat kaya maraming offers na daw ang tinanggihan niya dahil pawang mga love stories ito, at kailangang maipakita na maganda ang pangangatawan niya. Nang ialok daw sa kanya ang pelikula, sinabi sa kanyang hindi niya kailangang magpapayat, kaya mataba, malaki ang tiyan at puti ang buhok ang karakter niya dito.
Sa pag-iikot ni Aga sa iba’t ibang programa ng ABS CBN upang i-promote ang pelikula, kapansin-pansin na malaki na ang ipinayat nito, at tuloy-tuloy na raw ang kanyang pagwo-workout sa gym bilang paghahanda sa kanyang mga susunod na project. May uumpisahan siyang pelikula sa susunod na buwan, pero ang balik tambalan nila ni Lea Salonga o ni Sharon Cuneta ay malabo pang mangyari dahil wala pa raw silang napipili sa mga inalok sa kanila, at kailangang ayusin pa ang kanilang mga schedule.
Sa loob ng 16 taong pagsasama nila ni Charlene Gonzales, nananatiling grounded daw si Aga, at masaya siya na ang kanilang anak na kambal, sina Atasha at Andres na namana ang good looks nila, ay parehong masipag mag-aral at mahilig sa sports. Ipinagmamalaki rin niya si Atasha na mahusay ring mag-drawing at magpinta. Sa ngayon ay hindi naman nakikitaan ang kambal ng hilig sa  showbiz, pero para kay Aga, kailangang makatapos muna ng pag-aaral ang mga ito dahil ito lang ang maitutulong niya sa kanila. Bahala na raw sila kung ano ang gusto nilang gawin kapag nakatapos na sila.


IZA, ENGAGED NA 
Engaged na si Iza Calzado sa matagal na niyang karelasyon na si Ben Wintle. Naganap ang proposal noong October 8 sa Sonya’s Garden sa Tagaytay sa harap ng malalapit na kamag-anak at kaibigan. Akala ni Iza ay isang simpleng get-together lang iyon, kaya wala siyang make-up at casual lang ang suot. Nagulat siya nang pagdating niya roon ay sinalubong siya ni Ben na may dalang bouquet ng bulaklak at lumuhod sa harap niya at alukin siya ng kasal. Bagama’t nabigla, nakuha pang magbiro ni Iza. Tiananong kung totoo at hindi peke ang singsing, at kinagat pa niya ito, bago sinabing tunay nga ito. Nang um-oo siya ay nagpahabol pa siya ng ng “Oh no, wait, I have a condition. As long as you shower every night before going to bed! Yay!”
Ayon kay Ben, matagal na siyang humingi ng permiso para sa kasal sa ama ni Iza na si Lito Calzado noong nabubuhay pa ito.
Kabilang sa mga nakasaksi sa mahalagang sandali sa buhay ni Iza ang kaibigan niyang si Karylle, fashion designer na si Rajo Laurel, at ang manager niyang  si Noel Ferrer na unang naglabas ng video ng naganap na proposal.
Wala pang detalye tungkol sa kasal, kahit matagal na rin daw nilang napapag-usapan ito. Ang sigurado, tuloy pa rin sa pag-aartista si Iza kahit may asawa na, dahil suportado siya ni Ben sa kanyang hilig at trabaho.

JOHN LLOYD, PINAG-BAKASYON NG ABS CBN
Matapos ang kontrobersyang idinulot ng mga naglabasang video nina John Lloyd Cruz at Ellen Adarna nitong mga nagdaang araw, nagkasundo ang pamunuan ng ABS CBN at si John Lloyd na bigyan ng mahabang bakasyon ang aktor. Balitang naapektuhan ng mga negatibong reaksyon ng mga fans ang mga product endorsement ng actor, at may mga nagpu-pull out din daw ng commercial sa TV show nito na Home Sweetie Home, kung saan ay kasali rin sa cast si Ellen.
Kung ang akala ng marami ay mas magiging maingat na ang actor at mag-iisip-isip bago pa tuluyang bumagsak ang kanyang career, heto at muli na namang naglabasan ang mga larawan at video ng dalawa na magkasama palang nagbakasyon sa Morocco. Para itong extension lang ng naudlot nilang bakasyon sa Pilipinas. Tila matindi ang naging tama ng aktor kay Ellen, kaya handang talikdan nito ang career na matagal niyang pinaghirapan para lang makapiling ito. Lalo na at may tsismis na dalawang buwan na raw itong buntis.
Sana nga ay pagbalik nila sa Pilipinas ay may trabaho pa silang babalikan, lalo na si John Lloyd na isa sa pinakamahuhusay na aktor ng Pilipinas ngayon.

HIMIG HANDOG FINALISTS
Napili na ng Star Music ang sampung finalists mula sa 7,000 entries para sa Himig Handog 2017. Ang mga napili ay 1) Bagyo ni Agat Morallos, na ang aawit ay si Jake Zyrus, 2) Bes ni Eric de Leon na aawitin ni Migz Haleco, 3) Extensyon na komposisyon ni Aikee Aplacador, at si Inigo Pascual ang magi-interpret, 4) Naririnig Mo Ba?, nina LJ Manzano at Joan Da, na aawitin ni Morisette Amon, 5) Sampu ni Raizo Chabeldin at Bib de Vera, na aawitin ni Jona, 6) Tanghaling Tapat ni Gabriel Tagagtad at kakantahin ng Unit 406, 7) Tayo na Lang Kasi ni Soc Villanueva na aawitin nina Kyla at Jason Dy. 8) The Labo Song ni Karl Gaurano at Teodoro Katigbak, na aawitin ni Kaye Cal, 9) Titibo-Tibo ni Libertine Amistoso, at aaawitin ni Moira, at  10) Wow na Feelings ni Karlo Zabala, na aawitin ni Janella Salvador.
Ngayon pa lang ay inaabangan na kung alin sa mga sampung awitin ang susunod na maging hit dahil magagamit ang mga ito sa iba’t ibang shows ng ABS CBN.

KAPATID NI NADINE, NAGPAKAMATAY?
Hindi na umabot sa ospital ang 16 taong gulang na estudyante na si Isaiah Paguia Lustre, na kapatid umano ni Nadine Lustre, matapos itong matagpuang duguan sa kanyang silid noong  Oct.7 sa kanilang bahay sa Hilo St, Silvina Village, Brgy. Talipapa sa Quezon City.
Ayon sa ulat, ang mga kapatid ng biktima na sina Ezekiel at Naomie ay naglalaro daw ng kanilang mga gadget nang makarinig sila ng putok ng baril. Natagpuan nila ang kapatid na  nakahandusay at may tama ng baril sa ulo. Humingi sila ng tulong sa mga kapitbahay at isinugod nila ito ang dalagita sa ospital ngunit patay na ito pagdating doon.
Wala raw alam ang pamilya ng biktima kung may problema ito, pero napansin daw nilang ilang araw bago ito namatay ay matamlay ito at walang kibo. Ayaw na rin ipa-awtopsya ng ama nila ang bangkay, pero gustong malaman ng mga pulis kung sino ang may-ari ng baril na ginamit nito.
Hindi makuhanan ng pahayag si Nadine, pero kapansin-apansin ang pagkawala niya sa It’s Showtime na kinabibilangan niya.
Sa halip, panay ang post niya ng mga symbolic signs sa kanyang Instagram account.


Don't Miss