Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Tinuruan ng alaga

19 September 2017

Natawa na lang si Angela, 36 at isang Bicolana, nang minsang kumpiskahin ng kanyang bunsong alaga ang kanyang telepono para maturuan siyang magbasa.

Nakaugalian na ng kanyang among babae na basahan ng libro ang tatlong anak pagkatapos nilang maligo sa gabi. Ngunit nang lumaki na ang dalawang nakatatanda ay dito na tumutok ang amo at ipinasa kay Angela ang pagbabasa ng libro sa bunso.

Minsan ay isang librong Harry Potter ang binasa ni Angela sa alaga at nahirapan siyang bigkasin ang ilang salita dito. Dahil mabait ang bata ay siya na ang nagturo kay Angela na magbasa. Noong gabing iyon, pagkatapos magtrabaho ay dinalhan siya ng alaga ng tatlong makakapal na libro at sinabing kailangang basahin niya ang mga ito.

Dapat daw ay 30 pahina ang nababasa niya bawat gabi. Nang akmang babasahin ni Angela ang mga mensahe sa kanyang telepono ay nagbabala pa ang bata na kukumpiskahin ito kung ititigil ng yaya ang pagbabasa.

Natatawa at naaaliw si Angela sa kanyang alaga kaya pinagbigyan niya ito. Ngunit wala pang limang minuto ang nakalilipas nang dumating ang kanyang among lalaki, kaya tumayo si Angela para mag-init ng pagkain.

Agad na sinabi ng bata sa tatay na, “Dont disturb Angela, she is in reading session”, pero kahit natatawa ay tumayo pa rin si Angela para silbihan ang amo.

Kahit kaunti na lang ang natitirang oras para sa sarili ay hindi ito ipinagkakait ni Angela sa alaga dahil alam niyang kailangan ng ina nito na bantayan ang dalawang mas nakatatandang anak.

Si Angela ay 14 buwan na sa among taga Tung Chung. Nakatuntong siya ng kolehiyo bagamat hindi siya kampante na magbasa nang malakas, lalo pa at iba ang alam na pagbigkas ng mga salitang Ingles ng alaga. Natutuwa naman siya sa ginagawang pagtuturo ng bata dahil alam niyang makakatulong ito para mas lumaki ang kanyang kumpiyansa sa sarili. - Rodelia Villar

Don't Miss