Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Tagumpay ni Glen

11 September 2017

(Part II ng ‘Nag for good, nagnegosyo) 


Ni Cris B. Cayat

(Noong nakataang dalawang issue ay inilathala namin ang kuwento ng ilang OFW na nagtagumpay sa balak na pagnenegosyo matapos bumalik sa Pilipinas para ipagpatuloy ang naudlot na buhay. Sa isyung ito ay ipagpapatuloy natin ang kuwento ng iba pang magigiting na  negosyanteng ex-OFW).

Isa pa sa mga nagnenegosyo ng catering si Glenita Darang na mas kilala sa tawag na Glen. Medyo matagal-tagal rin siyang nangibang bansa at nakadalawang balik siya sa Hong Kong bago tuluyang nagtalaga sa Pilipinas.

Ang una niyang uwi ay upang ipanganak ang kanyang panganay na ngayon ay 14 taong gulang na. Nakawalong buwan siya sa Pilipinas bago siya bumalik sa Hong Kong dahil hindi siya nakapaghanda bago umuwi.

Sa kanyang pagbabalik, naghanda siya. Sumali sya ng mga ilang skills training gaya ng pagluluto sa tulong ng kanyang butihing amo.

Isang malaking dahilan ng kanyang pagbabalik sa Pilipias ay lumalaki ang kanyang unica hija, at gusto ni Glen na kasama siya sa pagpapalaki dito. Nag-umpisa niyang planuhin ang balak na pagtatayo ng isang snack house sa kanyang pagbabalik. Sabi niya, agad niyang naisip ang naturang negosyo dahil ang lugar na balak niyang pagtayuan nito ay nasa  harap ng hintayan o terminal ng mga bus na galing ng Manila at Baguio, o iba pang lugar sa norte.

Pag-uwi niya ay agad niyang isinaktuparan ang balak. Noong una aniya, malakas ang kita ngunit nang magkaroon ng ibang katulad na tindahan sa tabi, nahati ang mga kostumer. Nagsimula na silang mahirapan na maabot ang sapat na kita upang may ipambayad ng renta at pasahod sa ilang tauhan. Kasabay na itinatag ni Glen noon ang isang travel agency na pinondohan ng kanyang kapatid na nasa Dubai pa. Sa kasamaang palad ay parehong hindi naging maganda ang  kinahinatnan ng dalawang negosyo. Napilitan si Glen at ang kanyang kapatid na bitawan ang kani-kanilang negosyo.

Mabuti na lang at nang umuwi ang isa pa niyang kapatid mula sa ibang bansa ay naisipan nilang maging wedding planner, at naging maayos ang takbo nito.Ang kaso, biglang inalok ang kanyang kapatid ng isang magandang posisyon bilang visual merchandise manager ng tindahan ng surplus sa SM North at nagdesisyon itong bitawan ang negosyo nila ni Glen. Balik na naman si Glen sa paghahanap ng negosyong naayon sa kanya at kaya niyang patakbuhin mag-isa.

Nagsubok si Glen na gumawa ng tomato jam na hindi naging patok sa tao. Sinubukan din niyang magbenta ng mga banga na pampalamuti sa bahay, nguni’t hindi rin pumatok. Sumunod naman ay nag ice candy siya at tocino  pero katulad ng mga nauna niyang negosyo ay hindi rin umunlad.

Ganoon pa man ay hindi nawalan ng pag-asa si Glen. Pilit niyang hinanap ang negosyong tugma sa kanyang hilig at iyon ay ang pagluluto. Ang sumunod niyang itinayo ay ang isang catering business na tinawag niyang Cucina De Glenda, na inumpisahan niya sa mismong bahay nila sa Cuyapo, Nueva Ecija.

Sa ngayon, mag-isa niyang ginagawa ang pagluluto ngunit kalimitan ay kumukuha siya ng part-time na tutulong sa kanya kapag maraming order. Naging malaking tulong sa kanya ang nabili niyang tricycle dahil ito na ang ginagamit nyang pang deliver ng kanyang mga paninda. Aniya, masaya siyang nakakatulong sa mga nakukuha niyang part time  lalo na ang mga tricycle driver na kalimitan ay nakatambay lang. Ngayon, kapag nakatatlong delivery ang isa sa kanila sa isang araw ay may kita na agad itong Ph150, at may kasama pang meryenda.

Sabi ni Glen, napakalaking tulong ang walang binabayaran na renta ng tindahan kapag nagnenegosyo. Isa pa, mas gusto ng tao ang lutong bahay pagdating sa mga espesyal ng okasyon, gaya ng kaarawan, debut, pagtatapos, at iba pang kasayahan, sabi niya.

Kuwento ni Glen, masaya siya sa kanyang natumbok na negosyo. Kitang kita din sa mga litrato sa kanyang Facebook page na Cucina De Glenda ang pagdami ng kanyang mga nasisiyahang kostumer. Nakatulong din daw ng malaki ang  pakikipagkaibigan, isang pamamaraan na nakuha niya mula kay Annabelle Libao, isang dating OFW na ngayon ay may bakery at catering business na sa kanilang bayan sa Isabela. Dati nang nasulat sa The SUN ang paglago ng negosyong ito ni Annabelle, na matagal na naging pinuno ng Isabela Federation sa Hong Kong bago nagdesisyong umuwi na.

Ayon kay Glen halos magkapareho ang  food package nila ni Annabelle. Ang sa kanya, ang kliyente ay  maaring mamili ng  tatlong party food, mula sa isang bilaong pansit, spaghetti, biko, puto, palabok, mochi balls, halaya, lumpiang shanghai, o cake, kasama ang tatlong 1.5L. na softdrinks sa halagang Ph1,195 lamang, libre pa ang delivery.

Mag-iisang taon pa lang si Glen sa ganitong negosyo ngunit halos hindi na niya matanggap ang lahat ng order dahil sa dami, lalo na noong Disyembre. Bisperas ng Pasko ay nasa kalsada pa siya at hinahabol na madeliver ang mga order bago maghatinggabi. Aniya, kinailangan niyang bulabugin din ang kanyang mga kamag-anak para lang maihatid ang mga pagkain bago mag noche buena

Ayon kay Glen, dapat pala ay pinag-iisipan munang mabuti kung alin talaga ang may kakayanan kang gawin, at yung hindi ka nagsasawang gawin. Magsimula sa maliit, pulsuhan ang pangangailangan ng mga tao sa kapaligiran, bago sumabak. Dahil sa internet, naging mas madali ang pagpapalawak ng kanyang negosyo. Karamihan daw sa kanyang mga kliyete ngayon ay pamilya ng mga OFW, mga guro, mga nag-oopisina, at nagtratrabaho sa munispyo ng Cuyapo.

Ang isa pang gimik na nakatulong ay ang pagpapa-raffle niya ng isang bilaong party food. Tuwang-tuwa siya kasi ang nanalo ay hindi pa niya kliyente. Ibig sabihin, nakatulong ito para mas lumawak ang kanyang network.

Sa ngayon, nakakatatlong delivery na siya sa isang araw. Bilang pasasalamat sa gumagandang takbo ng kanyang negosyo ay isinasaayos niya ngayon ang isang feeding program na nais niyang isagawa bago matapos ang taong ito. Dati pa niyang ginagawa ang pagbibigay ng mga regalo sa mga bata sa kanilang barangay kahit noong nasa Hong Kong pa lang siya. Ngayon ay may mas importante siyang dahilan: para magpasalamat.

(Itutuloy)
Don't Miss