Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Saya, hikbi, pagkakaisa sa pagtatapos ng Buwan ng Wika

26 September 2017

Si Congen Catalla (naka luntian), kasama ang mga nagtanghal sa programa at ibang lider-Pilipino sa HK.

Ni Vir B. Lumicao

Ang wikang pambansa ay tanda ng pagkakaisa ng mga mamamayan.

Ito ang sinabi ni Consul General Bernardita Catalla sa kanyang huling pakikipagdiwang sa mga manggagawang Pilipino sa Hong Kong nang idaos sa Konsulado ang nabalam na paggunita sa Buwan ng Wika dito noong Set. 3.

Nakipagsaya, nagtinikling, at sa bandang huli ay pinigil ni Catalla ang paghikbi sa isang maikli ngunit makahulugang pagdiriwang na tinampukan ng magkakaibang pagtatanghal na handog ng tatlong samahan ng OFW sa papaalis nang opisyal.

“Siguro nagtataka kayo, bakit ipinagdiriwang pa natin (ang Buwan ng Wika)? Kasi nagta-Tagalog naman tayo o nagpi-Pilipino,” ani Catalla.

Ipinaliwanag ng konsul heneral, na nahirang kamakailan bilang sugo ng Pilipinas sa Lebanon, na ang wikang pambansang Filipino ay binubuo ng iba’t ibang salitang ginagamit ng mga tao sa iba-ibang panig ng bansa.

Mahigit 100 mga opisyal at kasapi ng iba’t ibang mga samahan ng mga Pilipino ang dumalo sa pagdiriwang na ipinagpaliban nang isang linggo dahil sa paghataw ng bagyong Hato sa Hong Kong noong Agosto 27.

Ginising ng awiting “Ako ay Pilipino” na inihandog ng Federation of Luzon Active Groups ang damdaming makabayan ng mga dumalo sa pagtitipon sa bulwagang pampubliko ng Konsulado.

Sinundan iyon ng isang makulay na katutubong sayaw ng mga B’laan sa saliw ng tugtuging likha ng kulintang at agung na itinanghal ng South Cotabato Overseas Workers Association.

Panghuling pumagitna ang mga mananayaw ng Tinikling Group of Migrants at nagpakita ng kanilang husay sa katutubong sayaw ng Katagalugan na sinasaliwan ng masayang tugtog ng mga instrumento at lagapak ng mga bumbong ng kawayan.

Lalong sumaya ang pagdiriwang nang anyayahan ni Bise Konsul Robert Quintin, ang punong-abala sa gabing iyon, ang mga panauhin na hamunin sa pagsayaw ng tinikling ang nagtanghal na grupo.

Ilang malalakas ang loob ang tumalima sa pamumuno ni Catalla, na nagpamalas ng husay at bilis ng mga paa sa pag-iwas na maipit sa nagbabanggaang kawayan.

Pagkaraan niyon, nagpasalamat si Catalla sa lahat ng tumangkilik sa kanya upang maging maayos ang pagpapatakbo sa Konsulado, sa paghahatid ng mga serbisyo, sa pagtulong sa mga kababayan, sa pagtataguyod ng negosyo at pamumuhunan sa Pilipinas, at sa pagpapasulong sa kulturang Pilipino.

“Sa mga organisasyon, maraming salamat sa pagtanggap sa akin sa tatlong taon na nandito ako. May mga pagkukulang ako,” sabi niya at bahagyang naudlot dahil nahihikbi. “Pero sana naintindihan po ninyo.

Sinabi ni Catalla sa mga OFW na nanggaling sa Lebanon na malamang na higit na malaki ang hamong haharapin niya sa nalalapit na paglipat sa Beirut bilang sugo ng Pilipinas.

“Napakaayos ang paninilbihan ko rito, magiging mas challenging yung doon sa Lebanon, dahil karamihan sa atin ay legal na pumasok bilang manggagawa sa Hong Kong,” aniya, di tulad sa Lebanon na bawal ang mga dayuhang katulong ngunit may 28,000 OFW roon na pumasok bilang mga turista.

“So, hindi rin sila protektado ng batas dahil di katulad dito sa Hong Kong na may standard contract,” aniya.

Don't Miss