Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Pananamantala

11 September 2017

Kamakailan, isang Pilipina ang namatay nang mahulog sa isang gusali sa Shenzhen, kung saan dinala siya ng kanyang mga among Intsik. Lumalabas na maliban sa paninilbihan sa kanyang amo sa Shenzhen, isinisingkaw rin siya upang magtrabaho sa ama ng amo niyang babae.

Naaresto na ang mag-asawa, at sinampahan ng kasong “conspiracy to defraud”. Nakalaya sila pansamantala dahil nag-piyansa.

Dapat sana ay human trafficking ang kaso, kung ang batayan natin ay batas sa Pilipinas. Pero dahil wala pang batas na ganito sa Hong Kong, kinasuhan na lang ang dalawa ng panloloko sa Immigration Department, sa pagsasabi na sa Hong Kong lang magtatrabaho ang DH nila, pero hindi pala.

Maraming Pilipina ang dinadala ng kanilang amo sa China, hindi upang isama sa pamamasyal o bigyan ng bakasyon, kundi upang masulit ang ipinapasuweldo dito, at ipagmayabang sa kanilang mga kababayan na may katulong sila. Ito ay kahit labag sa batas ng China na magtrabaho ang mga bumibisita lang doon, gaya ng mga DH na Pilipina.

Nagpalabas na si Labor Attache Jalilo dela Torre ng payo na magreklamo dapat ang mga DH na dinadala sa China upang magtrabaho doon —kung hindi sa kanyang tanggapan ay sa Immigration Department.

Dapat na ngang matigil ang gawaing ito ng mga employer na mapagsamantala. Ang unang hakbang ay maging listo tayo na labanan ang ganitong pagyurak sa ating karapatan bilang manggagawa. Ang pangalawa ay magsumbong sa POLO upang maisama sa blacklist ang mga employer na ganito nang hindi na sila makaulit pa.  At pangatlo, ang pagpilit sa Hong Kong na magtakda ng batas laban sa human trafficking, na isa sa pinaka-grabeng krimen sa mundo.

Pero kung may batas, mayroon ding dapat na exemption.

May mga amo naman kasi na dinadala ang kanilang DH sa bakasyon hindi para sila ay pagsamantalahan. Kailangan lang talaga sila para sa bata, o dahil na rin sa kanilang magandang serbisyo. Sino ba naman ang tatanggi sa all-expenses-paid tour sa mga lugar na sa pangarap lang nila mararating? Kasama pa ang Business Class air ticket.

Don't Miss