Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Pagsusulit para sa mga narses sa HK, itinakda muli

11 September 2017

Ni Lorna Pagaduan

Isang seminar para sa FNA-HK kamakailan.
Malaking tuwa ang namayani sa mga miyembro at opisyal ng Filipino Nurses Association -Hong Kong (o FNA-HK) na nagtipon-tipon sa Bayanihan Centre sa Kennedy Town noong Agosto 13, nang malaman na magkakaroon na muli ng pagsusulit sa Hong Kong para sa mga gustong maging ganap na narses.

Ang balita ay galing sa sulat na ipinadala sa kanila ng tagapangulo ng Board of Nursing sa Pilipinas na si Carmelita Divinagracia,bilang tugon sa kanilang matagal nang kahilingan na isagawa muli ang pagsusulit para mga nagtapos sa kursong nursing pero hindi pa lisensiyado.

Bagama’t may mga kundisyon at wala pang itinakdang petsa para sa napipintong pagsusulit, itinuturing na ng grupo na isang tagumpay ang tugon sa mahigit isang taon na nilang hiling.

Unang isinagawa ang licensure examination for nurses sa Hong Kong noong 2009, ngunit dahil sa hindi magandang resulta ng pagsusulit ay isintabi muna ang plano na sundan ito agad. Nabuhay lang ang kanilang pag-asa na maisagawa itong muli nang mismong si Labor Attache Jalilo dela Torre ang nagpanukala nito. Sa kasalukuyan ay mahigit 200 na ang kasapi ng FNA-HK, na mula sa hanay ng mga rehistrado na at iyong mga hindi pa.

Dahil sa nabuhay na pag-asa na dadalhin muli sa Hong Kong ang pagsusulit ay nag-umpisa nang magrepaso ang ilan sa mga miyembro, sa kabila ng tambak nilang mga trabaho sa kani-kanilang mga amo.

 “Sakripisyo lang talaga kung may gusto kang abutin”, sabi ng isang estudyante.

Ayon naman kay Edna Jean Clovez, na isang rehistradong nars at pauwi na sa Pilipinas para doon ituloy ang naudlot na pangarap na magamit ang kanyang napag-aralan: “Kita-kita tayo sa Pilipinas kapag kayo’y RN na.”

Sabi pa niya, mahirap talaga ang magnakaw lang ng mga sandali para makapag-aral, pero “ika nga, kung gusto may paraan, kung ayaw maraming dahilan.”

Si Clovez ay pinarangalan sa pagtitipon, kasama ng kalihim sa edukasyon ng FNA-HK na si Ruth Asensi Delvo na nakatakda namang makipagsapalaran sa Canada.

Sa kasalukuyan ay hati ang opinion ng mga miyembro ng grupo tungkol sa kung dapat bang ngayong taon na ganapin ang pagsusulit, ayon sa kanilang liham-kahilingan, o ipagpaliban na muna hanggang sa susunod na taon para magkaroon ng sapat na panahon na magrepaso ang mga kukuha nito.

Nakatakdang lumipad papuntang Pilipinas ang pamunuan ng FNA HK sa susunod na buwan bilang sagot sa paanyaya ng Philippine Regulation Commission- Board of Nursing (PRC-BON), upang mabigyan ng linaw ang mga katanungan at agam-agam ng lahat.

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa paghahanda para sa pagsusulit, at upang maging bahagi ng FNA-HK, mangyari lamang na i-like ang Facebook page na “Filipino Nurses in Hong Kong” o di kaya ay tumawag o magpadala ng mensahe sa WhatsApp sa numerong 6162-5584.

Don't Miss