Nangako ang bagong amo na lampas limang libo ang sahod niya at pagbabakasyunin siya sa Pilipinas taon-taon, na sagot nila ang bayad sa ticket. Dahil dito ay hindi na siya nagdalawang-isip na lumipat sa kanila.
Noong una ay hindi siya nahihirapan dahil maliit lang ang kanilang flat at madali niyang nagagampanan ang lahat ng kanyang gawain. Ngunit makalipas ang ilang buwan ay lumipat sila sa pagkalaki-laking bahay na may tatlong palapag at rooftop, at may hardin pa sa ground floor. Mula noon ay unti-unti nang nagbago ang pakikitungo sa kanya ng mga amo dahil hindi na niya magampanan ang lahat ng kanyang gawain dahil sa laki ng bahay at sa dami ng trabaho sa paglilipat.
Noong naayos na ang bagong bahay ay lumabas na ang totoong kulay ng mga among French. Naging masyadong demanding ang mga ito at nag-iba na din ang trato sa kanya. Umabot ito sa pagsasabi nila sa kanya na hindi na sila masaya sa kanyang serbisyo kaya pinuputol na nila ang kanilang kontrata.
Laking sama ng loob ni Ann dahil biglaan ang ginawang pagtanggal sa kanya, lalo at nagpakahirap siya nang husto sa pag-aayos ng kanilang bagong nilipatang bahay.
Dahil may edad na at napagtapos na rin ang nag-iisang anak ay minabuti ni Ana na umuwi na muna pansamantala. Dahil sa dami ng mga inakong responsibilidad sa ibang mga kaanak ay hindi siya nakapag-ipon ng malaki kaya gusto niyang bumalik uli ng Hong Kong para ang sarili naman ang pag-ipunan.
Laking pagsisisi niya na naghanap siya ng expat na amo gayong mababait naman ang mga dating amo kahit may pagkakuripot. Kung palarin daw siyang makabalik ay Intsik na lang daw uli ang pipiliin niyang amo. Si Ann ay 50 taong gulang, solong ina at mula sa Maynila. – Marites Palma