Kabilang sa mga natuwa ang kanyang mga amo na siya pang nagpayo na dito na sa Hong Kong manganak si Jenny dahil libre. Bukod dito ay doktor ang kanyang amo kaya mas mababantayan siya.
Hindi naging madali ang pagbubuntis ni Jenny dahil na rin siguro sa kanyang edad. Tinamaan siya ng thalasemia, isang klase ng sakit sa dugo na ang kapupuntahan ay anemia kapag hindi naagapan. Dahil alaga siya ay nakita agad ang sakit niya sa ikaapat na buwan niyang pagbubuntis, kaya nagpalipat-lipat siya ng pagpapatingin sa Prince of Wales Hospital at isang klinika sa Shatin.
Tumaas din ang kanyang blood sugar kaya apat na beses siyang kinukunan ng dugo sa isang araw.
Ngunit dahil na rin sa alaga siya sa patingin ay nailuwal niya ng maayos ang bunso, dangan nga lamang ay may jaundice ang bata, yung naninilaw ang balat. Kinailangan niyang iwan ang sanggol sa ospital ng tatlong araw para mapasinagan ng espesyal na ilaw para gumaling.
Pag-uwi ng mag-ina sa bahay ng amo ay sa kuwartong bakante pa sila pinatulog. Binigyan pa ng maternity leave si Jenny hanggang lumakas silang mag-ina at pwede nang sumakay ng eroplano. Bago umuwi ay binigyan pa ng mga amo ng pera ang bata, at inalok na i-sponsor nila sa pag-aaral.
Laking pasasalamat ni Jenny dahil umulan ang biyaya magmula nang siya ay magbuntis at manganak. — George Manalansan