Ang mga opisyal at kasapi ng Kapehan Sa Paoay Association habang nagdiriwang ng kanilang ika-3 anibersaryo. |
Ni Marites Palma
Umabot sa halos 100 na mga OFW mula sa Paoay, Ilocos Norte ang nagsama-sama noong ika-3 ng Setyembre sa Chaterhouse sa Wanchai upang ipagdiwang ang ika-tatlong anibersaryo ng kanilang grupo na tinawag nilang Kapehan sa Paoay Association.
Nagsayawan at nagkantahan ang karamihan sa mga miyembro at bisita ng grupo, kasabay ng pag-aalay ng musika ng bandang Rock and Play. Ang tinaguriang Ilocano Singing Diva na si Louvelin Addu ay nagpaunlak na kantahan ang mga dumalo, na lalong nagpasaya sa lahat
Naging panauhing pandangal si Joel C Almeda, na siyang pinuno ng BDO remittance sa Hong Kong at Macau. Ayon kay Almeda, kabilang siya sa Philippine Association of Hong Kong na ang pangunahing layunin ay matulungan ang mga kababayan na hikahos sa buhay, kaya saludo daw siya sa mga taga Paoay sa ginagawa nilang pagtulong din sa mga nangangailangan.
Ayon naman kay Jessie Quevedo na pinuno ng grupo, nag-umpisa sila sa pamamagitan ng pagsasama-sama sa isang “closed group” sa Facebook ng mga taga Paoay sa Hong Kong. Dahil marami ang aktibo sa grupo ay napagsang-ayunan nila na gawin itong asosasyon.
Nang itatag na nila ang grupo noong ika-9 ng Setyembre, 2014, umabot na sa 259 ang mga miyembro ng kanilang closed group.
Pangunahing layunin daw ng grupo ang mabigyan ng pinansiyal na suporta ang mga kababayan sa Hong Kong na biglaang nawalan ng trabaho, at nagbibigay din sila ng tulong sa mga namatayan. Ngunit ang talagang pinagtutunan nila ng pansin ay ang pagtulong sa mga batang may kapansanan sa Paoay.
Bukod dito, nagbibigay din sila ng mga regalo sa mga mahihirap sa kanilang bayan tuwing Pasko sa tulong ng kanilang katuwang na organisasyon sa Paoay na isang puericulture.
Bukod kay Quevedo, ang iba pang opisyal ng grupo ay sina Rose Acang-pangalawang pangulo; Risalie Pacariem-kalihim; Rodrigo Ragusante Jr.-pangalawang kalihim; Zenaida Natividad- ingat yaman; Pamela Acar-pangalawang ingat yaman; Gay Marie Langman- tagasuri; Marie Alegre Gutierrez- pangalawang tagasuri; Maribel Pacol-PRO; Reynalyn Galapia-punong tagapangalakal; Leonardo Agcaoili-sports coordinator; Denden Agdeppa, Benny Valido-tagapamayapa. Advisers: Lina Asuncion, Regie Rosal, Precila Nefalar, Melacina Lacbayan, Carolyn Alegado, Lourdes Cac, Esperanza Almasan, Leticia Dafun, Josephine Acdal, Sol R. Abrajano. At Atty Cielita Catubay.
Ang mga asosasyong nakisaya sa pagdiriwang ang mga sumusunod: Annak ti San Nicolas Association, Laoag City International Hong Kong, Sarrateneos Ass’n of Hong Kong, Filipino Image Society, Annak ti Ciudad ti Laoag Ass’n of Hong Kong at ang Annak ti Dingras Association.