The CARD HK team. |
Naging espesyal na panauhin si Jackie Lou Tayaban, na pinadala pa ng CARD MRI sa Pilipinas para gabayan ang mga sumali sa seminar.
Ayon kay Tayaban, ang pangunahing hakbang para sa tiyak na paglago ng isang negosyo ang pagkakaroon ng isang epektibong business plan, o ang pagbalangkas ng mga gustong maisakatuparan sa negosyo sa loob ng itinakdang panahon.
Idiniin din niya na hindi lang pangsarili ang pagtatayo ng negosyo kundi pampamilya din at panlipunan dahil malaki ang maitutulong nito para mabawasan ang bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas. Malaking kasangkapan din ito para magpatuloy ang daloy ng serbisyo at produkto sa merkado.
Naging katuwang ni Tayaban sa pagpapaliwanag si Vicky Munar na lead trainor ng CARD HK. Itinuro ni Munar kung paano gumawa ng business plan, bago nagbigay ng aktuwal na pagsasanay para dito.
Ang mga kalahok naman ay halatang pursigido na matuto kung paano makapag-uumpisa ng negosyo, at ano ang gagawin para lumaki ang tsansa na umangat ito at lumago. Para sa kanila, ang pagnenegosyo ay isang paraan para makauwi na sila sa kani-kanilang mga pamilya, at nang hindi na maging kasambahay pang muli.
Ang seminar ay kabilang sa mga libreng pagsasanay na ibinabahagi ng CARD HK para matulungan ang mga Pilipinong migrante na mapangalagaan ang kanilang kinikita, at maplano nang maigi ang kanilang pagbabalik sa bansa.