Halos maiyak sa biglang pagsakit ng kanang binti si Kuya
Pepe, 55 at Kapampangan, kamakailan.
Kakaparada lang niya ng kotse noon matapos sunduin ang anak
ng amo niya nang maramdaman niya ang matinding pananakit ng kanyang
binti. Halos hindi siya makalakad dahil sa bawat hakbang niya ay kumikirot a g
sakit. Napaupo na lang siya sa lobby ng tirahan ng amo niya sa Shatin sa takot
at kaba. Agad niyang naisip ang kanyang pamilya na umaasa sa kanyang kita.
Hindi naman siya nagpabaya at agad kumunsulta sa isang doktor
sa Tsim Sha Tsui. Isinailalim siya sa x-ray, paharap at patagilid, sa leeg at
balakang, dahil talagang matindi ang sakit na nararamdaman niya. Pagkatapos ay
pinaupo siya ng doktor at pinataas-baba ang kanyang paa, bago minasahe siya ng
bahagya.
Sa bandang huli, sinabi ng doktor na “nerve pain” lang iyong
nararamdaman niya. Binigyan siya ng tableta para sa kirot at ointment na
nagsasanhi ng kaunting pag-iinit ng balat kapag ipinahid.
Laking tuwa ni Kuya Pepe nang mawala ang pananakit ng kanyang
binti matapos inumin sa loob ng apat na araw ang tabletang inireseta ng doktor.
Mantakin mo naman daw na bigla ka na lang mistulang paralisado, at paano kung
bigla ka na lang di makalakad? Napaisip siya na talagang kailangan na maging
mas maingat sa pagpapanatili ng kalusugan. - George Manalansan