Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Himalang gumaling

05 September 2017

Sobrang kinabahan si Elsa noong may tumubo na namang bukol sa kanyang kanang binti pagkalipas ng dalawang taon. Naging matagumpay naman ang operasyon niya noon pero hindi siya nakalakad ng tatlong buwan na siyang ikinababahala ni Elsa sa pagkakataong ito dahil kung maooperahan siyang muli ay baka mawalan siya ulit ng trabaho.

Natatakot man siya sa kanyang natuklasan ay pinili pa rin niyang maging tapat sa bagong amo. Payo kasi sa kanya ng dati niyang amo na kaibigan ng pinapasukan niya ngayon, kailangan niyang magtapat sa kung ano man ang kanyang nararamdaman para maagang maagapan kung ano may sakit mayroon siya.

Noong una kasi ay hindi niya agad sinabi sa amo ang nararamdaman hanggang ang kapatid nito mismo ang nakapansin na mas malaki ang kanyang kaliwang binti kaysa sa kanan. Noon lang niya ipinagtapat na nahihirapan na siyang lumakad at tumayo, at kumikirot nang husto ang kanyang binti kapag napapagod siya.

Nang marinig ito ng amo ay agad siyang pinapunta sa doctor para masuri. Ayon naman sa doctor ay kailangan niyang magpa MRI, at dahil mahaba ang pila para dito sa pampublikong lugar ay sa isang pribadong ospital siya dinala ng amo. Tumataginting na $5,800 ang ibinayad ng amo para sa pagsusuri.

Tatlong araw pagkalipas ng MRI ay sinabi sa kanya ng doctor na hindi naman cancerous ang bukol sa kanyang binti. Gayunpaman, kailangan pa rin niyang ituloy ang pagpapasuri dahil baka lumala ang kanyang bukol.

Nitong sumumpong uli ang pagsasakit ng binti niya ay masigasig niyang sinunod ang lahat ng payo ng doctor, at pati ng mga kaibigan niya. Uminom siyang madalas ng pinakuluang dahon ng guyabano at pati mga food supplements na sinasabing nakakawala ng bukol. Nagtapal pa siya ng iba-ibang produkto na galing ng Hapon at Tsina, pero parang walang epekto.

Mabuti naman at nagbakasyon ang kanyang mga amo kamakailan kaya nakapahinga siya ng matagal-tagal, na sinamantala din niya para makapagdiyeta. Tatlong araw siyang panay ang inom ng tubig, at isang pirasong tinapay lang ang kinakain bawat oras. Nagpunta din siya sa mga simbahan hanggang sa Macau para manalangin na gumaling siya.

Paggising niya noong Hulyo 16, isang araw bago bumalik ang kanyang mga amo ay naramadaman niyang magaaan ang kanang binti niya. Hinaplos-haplos nya ito at ganoon na lang ang kanyang tuwa dahil wala na siyang makapang bukol. Napalundag siya ng ilang beses nang makita na wala nang nakaumbok sa kanyang binti, at pati ang kirot ay wala na rin.

Pagbalik ng kanyang amo ay napayakap siya sa kanila sa sobrang tuwa. Muling sumigla ang kanyang buhay at nabura lahat ang masasamang pangitain sa kanyang isip. 

Ayon kay Elsa, napatunayan niya na walang imposible sa Panginoon basta magtiwala ka lang. Laking pasasalamat din niya sa mga amo dahil sa ipinakita nilang kabaitan at pag-aalala sa kanya. Sa katunayan bago sila umalis para magbakasyon noong isang buwan ay binilhan pa siya ng bagong laptop para hindi siya malungkot habang wala sila. Kaya naman para masuklian ang kabaitan ng mga ito ay dobleng sipag niya ngayon, at sinasarapan pa lalo ang pagluluto ng kanilang pagkain.


Si Elsa ay isang Ilokana na tubong Cagayan Valley at kasalukuyang naninilbihan New Territories. – Marites Palma
Don't Miss