Ilang araw bago ang takda nitong pagdating ay naikuwento ni Melisa ang tungkol dito sa isang kaibigan at kababayan.
Nang tanungin ng kaibigan kung may nagpadala ba ng gamit sa kanyang kapatid ay sinabi ni Melisa na oo, dahil yung isa nilang malayong kamag-anak na nandito rin sa Hong Kong ay may ipinapadalang dahon-dahon.
Agad namang sinabi ng kanyang kaibigan na payuhan niya ang kapatid na buksan ang ipinadala para alam nila kung ano ang nasa loob nito. Ganun na nga ang ginawa ni Melisa, at hindi nagkamali sa sapantaha ang kanyang kaibigan.
Nang buksan ng kapatid sa Pilipinas ang padalang herbal daw na pakete ng asawa ng kanilang kababayang si Tanya ay tumambad sa kanilang buong pamilya ang isang basyong bala na nakatago sa loob ng mga dahon.
Galit na galit ang kanilang pamilya sa ginawa ni Tanya, at bilang ganti ay pinaiwan sa kapatid ni Melisa ang padala. Ayon kay Melisa, mabuti na lang at nasabihan siya agad tungkol sa malaking problema na malamang na harapin ng kanyang kapatid ng dahil sa pakete, at baka makulong pa ito kapag nagkataon.
Bawal kasi hindi lang sa Pilipinas kundi pati sa Hong Kong ang magdala o magpasok ng bala at iba pang paputok o armas. Si Melisa ay taga Iloilo, may asawa at isang anak na babae. – Merly T. Bunda