Tatlong palapag ang bahay at dalawa ang kuwarto sa bawat palapag. Dahil walang katulong ang mag-asawa ay napakarumi ng bahay, lalo na ang kusina na nanggigitata sa mantika. Maghapong naglinis ang tatlo kaya pagod na pagod sila.
Pero kahit plastado na ang katawan ay kinailangan pa niyang magtrabaho sa bahay ng amo dahil may inimbita pang bisita ang mga ito para sa hapunan.
Sa una ay “pakisama ko na lang” ang pumasok sa isip ni Rosing, tutal ay binayaran naman siya kahit di sapat. Inisip niya na pang-allowance man lang niya ito tuwing Linggo.
Ang kaso ay hindi lang ito naulit, kundi nadagdagan pa, dahil ang bahay naman ng mga magulang ng lalaki ang pinalinis. Mas malaking hirap ito dahil ni hindi siya binayaran, at ilang beses ding naulit.
Ayon kay Rosing, naisip niyang kailangan na niya ang tulong ni Gabriela Silang para matapos na ang kahangalan ng mga amo. Nang patapos na ang kanyang kontrata ay gumawa na siya ng aksyon para maputol na ang hindi makatarungang pagpapatrabaho sa kanya, lalo at may kasama siyang dalawa pa na napipilitan ding lumabag ng batas.
Isang buwan bago siya matapos sa kontrata ay kinausap niya ang amo ng tapat, at sinabi ang : “Ma’m I want to continue working with you. But.. sorry I don’t want to work anymore outside your house, with or without pay. If this will cause you not to sign a new contract with me, I’m okay with it”.
Natulala daw ang kanyang amo dahil gusto nila si Rosing kasi ito ay masipag at maasahan.
Kinabukasan ay hinarap siya ng mag-asawa na nakangiti, at sinabing, “Please stay with us, we will sign a new contract.” Nagpasalamat naman agad si Rosing, sabay dasal na sana ay tumupad sa pangako ang mga amo. — George Manalansan