Pumayag naman si Andrea pero ipinaliwanag niya na kailangan pa ring ilagay sa kontrata ang eksaktong halaga ng buwanang food allowance na sa kasalukuyan ay kailangang hindi bababa sa $1,037 na itinakda ng gobyerno.
Ngunit imbes na pakinggan ang sabi ng katulong na hindi ito aaprubahan ng Philippine Overseas Labor Office ay nagpumilit pa rin ang among lalaki na sundan ang nakasulat sa luma nilang kontrata. Kahit mismong ang asawa na nito ang tumulong para magpaliwanag tungkol sa batas ay ayaw nitong makinig.
Ang pinagpilitan ay mas malaki naman daw kaysa sa MAW o minimum allowable wage ang kanyang sahod kaya okay na daw iyon.
Pero gaya ng inaasahan, nang ipasa ni Andrea ang kontrata sa Polo ay hindi nakaligtas ang halagang nakasulat na food allowance. Kailangan daw itong itama at kailangan din pumirma ang amo kung saan may bura.
Pagdating ng bahay, hindi pa man naibubuka ni Andrea ang bibig ay “I told you so” na agad ang sinabi ng among babae sa asawa nito. Iiling-iling na lamang ang kanyang among lalaki. Si Andrea, may asawa at tatlong anak, ay isang Ilocana na taga-Davao. –Gina N. Ordona