Ni Mariel F. Tadalan
Enero 20, 2017 , ikaanim ng hapon nang dumating ako sa amo ko ng walang tulog dahil delayed ang aking flight. Unang araw ko pa lang sa kanila ay pinakain na sa akin ang tira-tira nilang pagkain. Wala sa oras ang aking pagkain at gumigising ako ng alas sais ng umaga at natutulog ng alas dos ng madaling araw kinabukasan. Ibig sabihin, apat na oras lang ang tulog ko sa araw-araw. Kahit sa pagkain ay limang minuto lang ang ibinibigay sa akin, tapos ay balik agad sa trabaho. Nandun pa yong sinisigawan ako at sinasabihan ng masasakit na salita gaya ng “bobo,” “walang utak”, “baboy” at marami pang iba. Wala akong magawa kundi umiyak, magdasal at magtiis. Lumipas ang ilang araw at linggo, patuloy akong nagtiis dahil ang sabi ko sa sarili ko ay magbabago rin ang pakikitungo nila sa akin .
Marso 1, pauwi ako mula sa aking day-off noon, at katulad ng dati, kinailangan ko munang tumawag sa kanila dahil wala akong susi sa bahay. Pagkapasok ko pa lang ay nagsisigaw na ang amo kong babae.Bakit pa daw ako umuwi e wala naman akong kuwentang katulong? Baboy daw ako, palamunin lang, at hindi ko nagagampanan nang maayos ang trabaho ko. Sinabihan ako na kailangan kong linisin ang buong bahay at maghugas ng pinggan at ligpitin ang mga kalat nila bago ako matulog. Natapos ako ng mga 2am at dahil sa pagod ay kandarapa akong nag-ayos ng hihigan nang biglang pumasok ang amo ko at tinanong kung bakit matutulog na ako. Kailangan ko daw linisin ang sahig dahil marumi pa. Sumagot ako na kung puwede ay ipagpabukas na dahil wala na akong lakas. Pagod na ako at puyat pa, pero nagalit sya at sinigawan ako.Matigas daw ang ulo ko at hindi sumusunod sa utos kaya paparusahan niya ako. Ang iginawad niyang parusa ay doon sa terrace sa labas ng bahay niya ako pinatulog gayong napakalamig. Kinuha din niya ang aking kumot kaya tuwalya lang ang ginamit kong panlaban sa lamig, at isang kapirasong cardboard naman ang aking higaan. Kinunan ko ng litrato ang aking higaaan at humingi ng tulong sa aking agency sa Hong Kong, ang Royalcorp Employment Agency sa Ma On Shan, pero hindi nila ako pinansin. Ang mas masaklap ay kailangan akong gumising ulit ng alas sais ng umaga kasi may pasok ang alaga ko. Tiniis ko na lang ang lamig para kahit man lang tatlong oras ay makapagpahinga ako. Umiyak na lang ako at nasabi ko sa sarili ko kung bakit may mga taong ganito.
Sa mga sumunod na araw ay walang pagbabago sa pagtrato nila sa akin, pero patuloy akong nagtiis. Isa pa, sinabihan ako ng ilang kakilala na kung ako ang pumutol sa kontrata namin ay kailangan kong bayaran ang amo ko ng isang buwang suweldo, e marami pa akong utang dahil sa Ph30,000 na ibinayad ko sa ahensiya sa Pilipinas para sa iba-ibang singilin.
Marso 21, bandang alas dos ng hapon, gutom na gutom ako dahil wala pa akong almusal at tanghalian. Humingi ako ng pagkain sa amo ko kasi hindi naman ako puwedeng magluto nang hindi siya nagbibigay ng pahintulot. Pero nagalit siya at sinagot ako na hindi ako pwedng kumain nang hindi pa tapos ang trabaho ko. Umalis siya sa bahay bandang mga 3.30 pm. Dumating naman ang amo kong lalaki kasama ang alaga ko. Ibinigay ng alaga ko ang pananghalian ko, pero dahil nasa kalagitnaan ng trabaho ay naisip kong tapusin na muna ang ginagawa ko. Nang pinapainit ko na ang pagkain ko sa microwave ay biglang sumulpot ang amo kong babae at pasigaw na tinanong kung bakit noon pa lang ako kakain. Ang sabi pa, “kung kailan ko sabihin na kakain ka, doon ka kakain, sabay hablot sa pagkain at itinapon sa basurahan. Sinabi niya na damputin ko at kainin pero hindi ko sinunod, at sinabing hindi ako hayop para pakainin niya ng galing sa basurahan. Sa galit niya dahil hindi ko siya sinunod ay dinuraan niya ako at minura-mura. Hanggang iyak na lang ang kaya kong gawin dahil wala akong lakas para lumaban at takot na takot din ako sa oras na iyon. Ang ginawa ko ay uminom na lang ako ng tubig pero mas lalo siyang nagalit. Inagaw niya ang basong may tubig at ibinato sa bandang paanan ko. Kung hindi ako nakatalon ay natamaan ako.
Marso 22, day off ko. Nagpunta ako sa Konsulado para ireklamo ang sitwasyon ko pero laking dismaya ko dahil sinabi sa akin na dalawa lang ang pagpipilian ko, ang magbigay ng one month notice o bayaran ko ang amo ko ng isang buwang sahod para ako makaalis agad. Kahit ano ang piliin ko ay kailangan ko pa ring bumalik sa amo ko.
Binalikan ko nga ang amo ko pero kinabukasan din ay nagbigay ako ng one month notice. Ang hindi ko sukat akalain ay mas matinding hirap ang pagdaraanan ko ng dahil dito.
Kinabukasan ng gabj ay bigla akong tinawag ng amo ko at pinahinto sa ginagawa ko. Sinabi na magpalit ako ng bed sheet , na ikinagulat ko dahil kapapalit ko lang noong umagang iyon. Pero nang magtanong ako ay nagalit nang husto at sinabing sumunod ka na lamang, sabay punta sa lagayan ng mga damit ko. Kinuha niya ang mga laman nito, sabay hagis sa sala. Laking gulat ko nang nakita ko na nagkalat doon ang mga personal kong gamit, kabilang ang mga bag at damit. Takot na takot ako dahil hindi ko maintindihan kung ano ang nangyari. Ang ginawa ko ay tumawag ako ng pulis. Pagdating nila ay sinabi ng amo ko na nawawala ang pera niya at bracelet. Sa awa ng Diyos ay nakumbinsi ko ang mga pulis na hindi ako magnanakaw.
Pinayuhan ako ng mga kaibgan ko na umalis na ako at magbayad na lang dahil mahaba-haba pa daw ang hihintayin ko at baka sa susunod ay mapatay na ako. Pera lang daw naman yun at mas importante ang kaligtasan ko. Pero hindi ko pinakinggan ang mga payo nila at patuloy akong nagtiis.
Araw-araw yun, natiis ko yung pagkain ko na wala sa oras, at tira-tira pa. May pagkakataon pa na binubudburan ng amo ko ang pagkain ko ng asin o sili pero wala akong magawa kundi kainin pa rin para magkaroon ako ng lakas. Bukod dito ay tadtad ako ng mura, at laging kulang sa tulog. Mula dalawa hanggang tatlong oras na lang ang tulog ko kaya noong Marso 29, dahil sa pagod at puyat ay nahilo ako habang nag ha handwash at nabagok ang ulo ko sa gripo. Sinabi ko sa amo kong babae ang nangyari pero ang sagot niya ay wala siyang pakialam kahit na patuloy na nagdurugo ang noo ko. Nang nagbanta akong tatawag ng pulis ay para siyang nahimasmasan at sinabing jîtawagan ko ang asawa niya. Sinagot naman ako ng amo kong lalaki ay sinabing hintayin ko siya. Habang naghihintay ay inutusan pa rin akong maghugas ng mga plato. Hindi ko sukat akalain na may mga taong kahit na nasa gitna ka na ng trahedya ay sarili pa rin ang iniisip. Dinala nga ako ng amo kong lalaki pero agad ding umalis na hindi man lang ako binigyan ng pamasahe. Nagkaroon ng apat na tahi ang noo ko dahil sa nangyari, pero mag-isa pa rin akong umuwi.
Abril 3, day-off ko ulit dahil nakatakdang alisin ang tahi ko sa noo. Bago ako umakyat ay tumawag ako sa amo kong babae para tanungin kung maari na akong umakyat pero hindi siya sumagot. Ang ginawa ko ay tinawagan ko ang amo kong lalaki at sinabi nitong umuwi na ako. Pag akyat ko sa flat ay dumiretso ako sa banyo para maligo. Paglabas ko ay sinalubong ako ng amo kong babae na galit na galit, at sinabing bakit ako umuwi nang wala siya sa bahay. Nangatwiran ako na hindi ko alam na wala siya sa bahay at pinauwi na ako ni sir, pero lalo siyang nagalit. Palasagot daw ako kaya pinababa niya ako ng bahay kahit na hatinggabj na noon. Dahil wala akong mapupuntahan at wala ding masasakyan ay ngdesisyon na doon na lang sa lobby ng building magpalipas ng gabi. Bandang 1:30 am ay nilapitan ako ng security guard at may tinatanong. Dahil hindi kami magkaintindihan ay tumawag ako ng pulis. Pagdating ng pulis ay inihatid ako sa bahay ng amo ko pero hindi ako pinatuloy. Sinabi ng mga pulis na hintayin ko ang tawag ng amo ko dahil mag-uusap pa raw muna ang mag-asawa.
Bandang 3:30 am ay tumawag ang amo kong lalaki at sinabing bumalik na ako. Pagbungad ko pa lang sa pinto ay sinigawan na ako ng amo kong babae at sinabi na bakit ako tumawag ako ng pulis.Hindi raw makakatulong ang pulis sa akin dahil katulong lang ako at sila ay Chinese.Agad akong inutusan na maglinis ng sahig na nang matapos ay 5am na. Bago ako matulog ay sinabi niyang kailangan akong magising ng 7am, kundi ay makakatikim ako ng parusa.Pero danil sa pagod at puyat ay hindi ako nagising. Bandang 8am ay naramdaman kong sinisipa ako sa ulo ng amo ko (ang tulugan ko ay isang manipis na foam na nakaipit sa pagitan ng washing machine at dingding sa kusina) para bumangon. Kahit antok na antok at pagod ay agad akong bumangon.Binigyan niya ako ng mahabang schedule ng mga gagawin, at sinabing kIlangan kong matapos lahat sa pagbabalik niya ng 11am, kundi ay paparusahan niya ako. Tumayo naman ako para magtrabaho, pero nang makita ko ang tambak na labahin at ang sira-sira ng gloves na aking gagamitin sa pag handwash na parang sinadyang punitin ay nawalan ako ng lakas at naawa sa sarili ko. Noong oras ding iyon ay ginising ko ang amo kong lalaki at sinabi ang lahat ng hinanakit ko at sinabing hindi ko na kaya at aalis na ako. Pero wala pa ring awa ang amo ko at nagbanta na kapag pinilit kong umalis ay gagawa siya ng problema para makulong ako. Ang ginawa ko ay ako na mismo ang tumawag ng pulis at sinabi kong lahat ang pagmamaltrato sa akin ng mga amo ko. Ang ginawa ng pulis ay pinasulat ang amo ko ng patunay na ako ang pumutol sa kontrata namin kaya kailangan kong magbayad, bago pinapirma sa akin. Hindi ako nag-atubiling pumirma para makakawala na sa mala-impyernong bahay na iyon. Umalis ako sa bahay ng amo ko kasama ang mga pulis noong Abril 4, 12:45 pm.
Mabuti na lang at pagkatapos akong maglakas-loob na iwan ang mga amo kong malupit ay nakalapit ako sa Mission for Migrant Workers. Binigyan nila ako ng matutuluyan. at tinulungan para masampahan ko ng kaso ang aking amo. Sa kanila ko nalaman na kapag inabuso ka ng amo mo, katulad ng ginawang pagpapatulog sa akin sa terrace, ay maaari kang bumaba ng walang notice, at wala kang babayaran Bagkus, ang amo mo pa ang magbabayad sa iyo dahil siya ang unang lumabag sa inyong kontrata.
Lumipas ang isang buwan at nagharap kaming muli ng amo ko sa Minor Employment Claims Adjudication Board o Mecab. Sa una ay nagmatigas ang amo ko na wala siyang dapat bayaran sa akin dahil ako ang kusang umalis. Pero bago matapos ang miting na iyon ay nag-alok siya ng $2,500 para matapos na ang kaso. Hindi ko tinanggap at itinakda ang muli naming paghaharap noong Hulyo 8. Bago dumating ang araw na iyon ay may pagkakatapn na gusto ko nang sumuko at tanggapin ang alok ng amo ko. Pero dahil may mga kaibigan ako at pati staff ng Mission at Bethune House na laging nagpapaalala sa akin na huwag akong sumuko at ipaglaban ko ang kaso ko dahil marami akong katibayan ay naglakas-loob ako. Sa awa ng Diyos ay ibinigay ng buo ang lahat ng aking sinisingil sa aking amo na umabot sa mahigit $5,000. Sa kabila nito, ang tanging nasa isip ko, matalo man ako o manalo, ang mahalaga ay naipaglaban ko ang karapatan ko
---
Ito ay ang pagpapatuloy ng salaysay ni Mariel F. Tadalan, isang domestic worker na kailan lang ay nanalo sa kasong isinampa niya laban sa kanyang amo sa Minor Claims Adjudication Board (Mecab) ng Hong Kong Labour Department. Ayon sa Mecab, nararapat lang na bayaran ng amo ng isang buwang sahod kapalit ng di pagbibigay ng abiso si Mariel, dahil sa pang-aabusong sinapit nito sa kamay ng mga amo. Ang pagpapatulog sa Pilipina sa labas ng bahay at iba pang hindi makatarungang pagtrato dito ay nangahulugan na ang amo ang pumutol sa kanilang kontrata, kaya dapat siyang magbayad. Pinayagan ng Immigration si Mariel na manatili sa Hong Kong at magroseso ng kontrata sa kanyang bagong amo. Ito ay matapos ipakita ni Mariel ang mga litrato, video at iba pang ebidensya ng mga ginawang pang-aabuso sa kanya ng dating amo. -ed