Nakaamba pa rin ang demanda ng beteranong mamamahayag na si Tony Calvento laban sa comedian/host na si Vice Ganda at sa programang “It’s Showtime” kahit naglabas na ito ng public apology , na binasa ni Billy Crawford sa show noong August 12. Hindi nakarating sa kanilang programa si Vice dahil may concert daw ito sa South Korea.
Ang kanyang paumanhin: “Nais ko pong humingi ng paumanhin kay Mr. Tony Calvento sa pagkakabanggit ko sa pangalan niya sa interview ko sa isang semi-finalist sa Tawag ng Tanghalan kahapon. Wala po akong intensyon na saktan o insultuhin kayo, Mr. Calvento. Ang tanging intensyon ko ay magbigay ng payo sa aming contestants na magtiwala sa sarili sa kanyang kakayahan. Again, my sincerest apologies, Mr Calvento, malaki po ang respeto ko sa inyo bilang isang journalist, kaibigan at kapamilya.”
Naganap ang isyu noong August 11, nang sabihin ni John Mark Saga, na isa sa mga semi finalists ng TNT, na nag-a-upload siya ng kanta online, pero hindi niya ipinapakita ang mukha niya dahil takot daw siyang ma-bash. Pinayuhan siya ni Vice na huwag ikahiya ang hitsura nito dahil isa raw itong biyaya. Dugtong pa niya: “Never be ashamed of your face. Yang mukha mo, ikaw ‘yan at maraming pagdadalhan ang mukhang ‘yan. That is a gift... your face. Kahit gaano kalaki ‘yan, kahit kamukha mo si Tony Calvento, mukha mo ‘yan kaya dapat proud ka.”
Pagkatapos ng show, agad naman daw tinawagan ni Vice is Calvento upang humingi ng paumanhin, pero sinabihan daw siya nitong maglabas ng public apology. Ang pahayag ni Calvento: “Yesterday, after using my name in an insulting manner, I threatened to sue the whole Showtime in a civil case and Vice Ganda in a criminal case. Vice called me up and I demanded a public apology to put him in his proper place.”
“Just because you’re a famous host, you can’t make fun of anyone,” dagdag pa ng premyadong broadcast journalist.
Noong Linggo, August 13, nang tanungin kung tinatanggap niya ang apology ni Vice na binasa ni Billy sa It’s Showtime, sinabi ni Calvento mahihintay muna siya dahil sinabi raw ng komedyante na personal itong hihingi ng paumanhin, on air, sa Miyerkules, August 16, pagbalik niya sa Pilipinas.
Si Vice Ganda ay unang nakilala bilang stand-up comedian sa comedy bars, kung saan ay nakasanayan na ang pang-iinsulto at panlalait, bagama’t pabiro, sa mga customers nila.
TONI, MAY TIWALA SA ASAWA
Alam pala ni Toni Gonzaga ang tungkol sa tsismis na nagkakamabutihan na raw ang kanyang asawang si Paul Soriano at si Erich Gonzales. Matagal na kasing laman ng blind items ang dalawa habang nagsu-shooting ng pelikulang “Siargao”, na idini-direk ni Paul, mula pa noong May. Ayon kay Toni, sinabihan na siya noon pa ni Paul na baka ma-tsismis sila ni Erich, gaya nang nangyari sa kanila ni Maja Salvador, nang gawin nila ang pelikulang “Thelma”. Kinausap rin siya ni Erich tungkol sa tsismis dahil marami ang nagagalit sa kanya at nagre-react sa social media dahil daw sa pang-aagaw nito sa asawa niya. Maging si Jericho Rosales na katambal ni Erich sa kanilang pelikula ay nali-link din daw kay Erich. Naniniwala raw si Toni na malakas ang woman’s intuition, kaya tiyak na may mararamdaman siya kung sakaling may ginagawang kalokohan ang asawa. Buo daw ang tiwala niya sa asawa, dahil wala naman siyang nararamdamang kakaiba sa kilos nito sa ngayon. Ipinagdarasal daw niya na huwag sana silang dumaan sa ganitong pagsubok. Maliban sa pag-aalaga sa kanilang anak na si Seve na mag- iisang taon na, abala si Toni sa kanyang TV shows at may tinatapos din silang pelikula ni Piolo Pascual, na pinamamahalaan ni Joyce Bernal. May binuksan din silang negosyo ng kanyang kapatid na si Alex na isang tea house, ang Happy Cup, na matatagpuan sa malapit sa ABS CBN.
ANGELI BEST ACTRESS SA CINEMALAYA
Best actress si Angeli Bayani para sa pelikulang “Bagahe” sa 13th Cinemalaya Film Festival na ginanap noong August 13 sa CCP Tanghalang Nicanor Abelardo. Tinalo niya sina Sharon Cuneta, (sa kanyang unang pagsabak sa indie films) na bida sa pelikulang Ang Pamilyang Hindi Lumuluha, Angel Aquino (Sa Gabing Nanahimik ang mga Kuliglig) at Anna Luna (Requited).
Ang iba pang nanalo:
Full Length Category
Best Film: Respeto
Best Director: Joseph Israel Laban (Baconaua)
Best Actor: Noel Comia, Jr. (Kiko Boksingero)
Best Supporting Actor: Dido Dela Paz (Respeto)
Best Supporting actress: Yayo Aguila (Kiko Boksingero)
Special Jury Prize: Baconaua
NETPAC Prize winner: Respeto
Short Film Category:
Best Film: Hilom
Best Director: Manong ng Pa-aling
Special Jury Prize: Fatima Marie Torres and The Invasion of Space Shuttle Pinas 25
ARCI, USAP-USAPAN ANG PAGPAPARETOKE
Pinagpi-piyestahan sa social media ang mga larawan ni Arci Munoz, dahil ibang-iba na ang mukha niya ngayon. Halatang-halata na naiba ang ilong niya, at lalung-lalo na ang kanyang mga labi, na mas lalo pang pinakapal. Base sa mga luma niyang larawan, natural na maganda ang mukha ng actress/singer, pero habang tumatagal ay tila naiiba na ang kanyang anyo. Kung kani-kanino siya ikinukumpara dahil daw sa pagkahilig niya sa pagpaparetoke, kaya nakakamukha na niya ang ilong ni Gretchen Barretto, na naiba na rin kaysa sa dati. May mga nagpapayo sa kanya na tigilan na ang pagpaparetoke ng mukha dahil talagang nakaka-addict ito. May mga nagbibiro pa na baka matulad siya kay Michael Jackson, Imelda Papin o kay Madam Auring. Noon lamang Hunyo ay nag-deny pa si Arci na ipinaretoke niya ang kanyang mga labi, dahil kinakapalan lang daw niya ang paglagay ng lipstick, at sinasadyang lampas ang paglalagay nito sa natural na linya ng labi. Kapag tinangggal daw niya ang lipstick ay ganoon pa rin daw ang korte ng kanyang bibig. Minsan ay napikon si Arci at sinagot ang isa sa mga bashers niya na nagkomento ng “your lips look horrible”, kaya sinagot niya ito ng “and so is your face and your attitude!”.
BAYANI, TUMANGGI SA MTRCB
Hindi tinanggap ni Bayani Agbayani ang appointment niya bilang board member ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), na ibinibigay sa kanya noon pang nakaraang taon. Ang dahilan ay dahil puno raw ang kanyang schedule dahil sa showbiz projects niyang ginagawa na halos sabay-sabay. Ayaw din daw niyang masabihang sayang ang pinapasweldo sa kanya ng ng gobyerno kung hindi rin naman niya magagampanan ng tama ang kanyang trabaho. Kung tinanggap niya ang alok ay kailangan siyang mag-report sa MTRCB dalawang beses kada linggo, at limang oras bawat araw. Magaan kung tutuusin, pero ayaw niyang magkaroon ng problema kung sakaling masabay ito sa iba pa niyang trabaho. Sa ngayon ay tuloy-tuloy pa ang kanyang Kawasaki provincial tours, at may mga sitcom siyang ginagawa na kasama si Jodi Sta Maria, at mayroon din na kasama naman si Robin Padilla. Si Boy Abunda na ang nagma-manage sa showbiz career ni Bayani ngayon. Ang namayapang si Cornelia “Angge” Lee, ang una at matagal niyang naging manager.