Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Tikisan dahil kulang sa komunikasyon

17 August 2017

Lungkot na lungkot si Missy na taga Yuen Long dahil isang linggo nang hindi nagpaparamdam sa kanya ang kanyang asawa at anak sa Pilipinas. Nagkasagutan kasi silang mag-asawa kamakailan.

Aminado naman siya na naging bugnutin siya nitong mga nagdaang linggo dahil hindi siya nagkakatulog sa kakaisip sa sakit niya sa puso na inililihim niya sa lahat, pati na rin sa amo niya na 14 na taon na niyang pinagsisilbihan. Madalas daw tumaas ang kanyang blood pressure ngayon dahil na rin marahil sa init ng panahon at sa sobrang pagod niya.

Alam naman daw niyang susuportahan siya ng amo niya ngunit ayaw niyang maging dahilan ito para pauwiin siya dahil marami pang tao ang umaasa sa kanya. Bukod sa kanyang sariling pamilya ay itinataguyod din niya ang pag-aaral ng isang pamangkin na mabuti at nakatakda nang magtapos sa susunod na taon.

Dahil sa kakaisip niya sa posibleng mangyari kung patuloy na lumala ang sakit niya ay madaling uminit ang ulo niya at madalas na ang asawa ang kanyang napagbubuntunan. Kaunting kibot nito ay nagagalit siya at napagsasalitaan niya ng hindi maganda kahit alam niyang hindi dapat.

Ayon pa mismo kay Missy, mabait ang asawa niya at maasikaso sa kanilang anak. Dahil sa kanyang kasungitan ay umabot sa puntong naghinala ang kanyang asawa kung mayroon na siyang ibang mahal.

Nasaktan nang labis si Missy sa paratang, kaya sinabi na rin niya sa asawa ang tunay niyang kalagayan. Masakit daw kasi ang loob niya na hindi man lang nagpaparamdam ang mga mahal niya sa buhay tuwing may sakit siya, kaya gabi-gabi na lang siyang umiiyak.

Hindi naman ito napapansin ng mga nakapaligid sa kanya dahil sa panlabas ay masayahin siyang tao at palabiro. Pero pag-uwi daw niya mula sa day-off ay muling bumabalik ang kanyang mga alalahanin. “Ayokong isipin ang sakit ko, at hanggat maari ay tinitiis kong lahat ang pagod ko at nilalabanan ang nararamdaman ko dahil gusto ko na yung pangarap ko na hindi natupad, ang makatapos ng pag-aaral, ay magawa ko ngayon para sa anak ko,” sabi niya.

Dahil hindi niya agad sinabi ang mga saloobin at hinanakit niya sa asawa ay natuloy sa tikisan ang kanilang alitan. Miss na miss na daw niya ang kanyang mag-ama, nguni’t hindi niya alam kung paano sila makakabalik sa dating matamis na pagtitinginan.

Isa sa mga hiningan niya ng payo ang nagsabi na mas maganda siguro kung umuwi muna si Missy sa kanila para magkausap silang mabuti ng asawa’t anak, at para makapagpahinga na rin siya. Mas mahirap kung lalala ang problema niya sa pamilya dahil baka lalong hindi kayanin ng kanyang katawan ito. Hindi din kasi kailanman kayang tapatan ng pera ang kaligayahan na tanging mga mahal sa buhay ang maaaring magdulot. – Rodelia Villar

Don't Miss