Nagalit ang amo dahil dito at sinabihan sya na mag-empake at gumawa ng sulat na nagsasabi na siya ang kusang pumuputol sa kanilang kontrata at gusto niyang bumaba noong araw ding iyon.
Hindi pumayag si Jane na gumawa ng sulat dahil wala siyang pera. Ipinagpatuloy na lang niya ang pag-eempake pero nang akma na siyang aalis ay hinarangan siya ng amo at sinabing hindi siya maaaring umalis ng hindi nagbibigay ng termination letter.
Dahil hindi sila magkasundo ay tinawagan ng amo ang isang empleyado ng employment agency na nagdala kay Jane sa Hong Hong. Gumawa ng sulat ang taga agency na nagsasabing ang katulong ang kusang bumaba ng araw na yon at pilit itong pinapapirma kay Jane.
Ayaw pa ring pumirma ni Jane dahil alam niyang kapag siya ang nag-terminate ay kailangan niyang bayaran ang amo. Tumawag si Jane sa isang kaibigan at sinabihan siya nito na i-record nang palihim ang usapan nila ng amo at ng taga agency, na ginawa naman niya.
Pagkatapos ay pumayag na si Jane na pirmahan ang kasulatan dahil pinangakuan siya ng taga agency na hahanapan siya ng bagong amo. Pero may pahabol ito na kailangan ni Jane na magbayad ng katumbas ng isang buwang sahod niya para maibigay sa kanya ang tiket niya pauwi.
Nalilito ngayon si Jane kung ano ang gagawin.
Ipaglalaban ba niya ang karapatan niya gamit ang video na nagpapakita na pinilit lang siya ng amo at ng taga agency na pumirma sa termination letter, o tanggapin na lang ang alok ng agency na huwag nang magreklamo dahil bibigyan siya ng bagong amo? Si Jane ay may asawa at tatlong anak at tubong Mindoro. – Rodelia Villar