Mabait ang kanyang mga amo at kapamilya na rin ang turing sa kanya kaya libre siyang nakakapagluto ng sarili niyang pagkain kahit nasa bahay ang mga ito.
Minsan ay may nagpadala sa kanya ng bagoong na ginisa sa baboy at hipon. Kahit takam na takam na ay itinago muna niya sa refrigerator dahil alam niyang matapang ang amoy nito at baka hindi magustuhan ng mga amo.
Saka lang niya ito inilabas at ininit nung kakain na siya ng tanghalian mag-isa. Ang kaso ay nakita siya ng alaga at sumalo ito sa kanya. Nilantakan ng bata ang bagoong at ang sabi pa ay, “very yummy, auntie”.
Hindi inaasahan ni Ana ang biglang pagdating ng kanyang among babaeng habang ang kanilang bahay ay nangangamoy pa ng bagoong.
Agad na ibinida ng bata kung ano ang kinain nito, na sinundan ng ina ng malakas na halakhak. Ang sabi pa nito, “Thats great. You can survive if you want to go with your Auntie Ana to the Philippines.” Si Ana ay isang Ilongga at dalaga. - Merly Bunda