Marami ang mga events na kailangan ng catering service, gaya ng binyagang ito. |
Paano na ang buhay pagkatapos mag-Hong Kong?
Ang mga sumusunod ay kasaysayan ng mga ina, kapatid at anak na nagsakripisyong iwan ang kanilang mga mahal sa buhay upang makamit ang kanilang mga pangarap.
Pero sa pag-usad ng panahon sa dayuhang lupa, maraming pagsubok ang kanilang naranasan, at marami din silang natutunan. Sadya ngang ang puhunan sa pangingibang-bansa ay tibay ng loob para makamit ang mga pangarap sa kabila ng maraming pagsubok.
Ang mga manggagawang ito ay nakabalik na sa Pilipinas ngunit dala pa rin ang maraming aral na natutunan para patuloy na magsikap tungo sa tagumpay.
Isa sa kanila si Josephine Campos na mas kilala sa palayaw na Jo at ngayon ay bantog na rin bilang si JC The Foodie, na regular na nagsusulat ng column tungkol sa pagkain para sa The SUN at ngayon ay may sarili na ring blog.
Ang kanyang hilig sa pagluluto ang siyang dahilan kung bakit negosyo sa pagkain ang naisipan niyang pasukan pagkatapos bumalik sa piling ng kanyang mga mahal sa buhay noong Disyembre ng nakaraang taon.
Sa kasalukuyan ay tinutulungan niya ang pamangking chef na si Mae Maghirang-Tovera sa catering business nito, habang inaayos pa nila ang plano para sa isang negosyo na may kinalaman din sa pagkain.
Abala din si Jo sa pag-aahente ng bigas at itlog sa ilalim ng EDJ Enterprises, isang negosyo na itinatag nila ng mga kaanak na sina Edwin at Dothy Cortez. Ang pangalan ng kumpanya ay hango sa unang letra ng kani-kanilang mga pangalan.
Matrabaho ang negosyo dahil kailangan nilang bumiyahe madalas sa Bulacan para mamili ng bigas, at sa Teresa, Rizal naman para sa mga itlog na dinadala nila sa mga kliyente nila na karamihan ay mga restaurant. Kasama sa
trabaho ni Jo ang paghawak sa koleksiyon na pera at ang paghahanap ng mga bagong kliyente.
Pero ang talagang pinaghahandaan niya ngayon ay ang balak niyang pagtatayo ng catering business kasama muli ang pamangking si Mae na tatawagin nilang JC The Foodie. Ayon kay Jo, ito ang negosyo na pumasok agad sa isip niya pagkabalik pa lang niya sa Pilipinas. Pero kinailangan muna niyang pag-aralan ang mga bagong "trend" o uso sa industrya bago niya umpisahan ang pangarap na negosyo. Sa kanyang pag-oobserba, nakita niya diumano na malakas ang kumpetensiya lalo na sa food trucks at food parks sa Cainta at Marikina City kung saan siya naninirahan.
Sabi ni Jo ay nakita niya na marami naman din palang pwedeng gawin sa Pilipinas basta matiyaga ka lang. Dati kasi ay takot siyang umuwi dahil ayaw niyang maging pabigat sa pamilya. Kaya naman umabot siya ng 31 taon sa pagtatarabaho sa Hong Kong. Ang nasa isip niya noon ay magpatuloy sa pagtatrabaho bilang domestic worker hanggang kaya pa ng katawan niya.
Ngunit nagbago ang kanyang isip nang maging madalas ang kanyang pagbabakasyon. Nakita daw niyang hindi naman ganoon kahirap ang buhay sa Pilipinas basta’t marunong ka lang dumiskarte.
Sa dami ng kanyang pinagkakaabalahan ay parang wala ng oras si Jo para mag-isip ng iba pang negosyo. Pero hindi, dahil ang talagang pangarap niya bukod sa sariling catering ay ang magtayo ng restaurant dahil hilig daw niya talaga ang magluto.
Kuwento niya, una siyang kinumbinsi ng mga kapatid na umuwi na dalawang taon na ang nakakaraan para sa balak nilang magtayo ng isang kainan. Pero hindi agad ito natuloy dahil kinailangan pa nilang magsaliksik sa kung anong klase ng kainan ang papatok. Ngayon ay mas kampante na sila kaya malapit nang matupad ni Jo ang pangarap na ito, sa tulong ng kanyang pamangkin na si Mae na tapos ng culinary arts sa Enderun Colleges.
Kahit naging masaya naman sa kabuuan ang kanyang buhay sa abroad, masaya din daw siya sa desisyon niya na umuwi na. Ang tanging pinanghihinayang niya ay naiwan ang kanyang mga matatalik na kaibigan, pero alam daw niya na magkikita din sila balang araw sa Pilipinas.
Kung si Jo ay ang pagnenegosyo sa pagkain ang piniling pasukan, si Erlin Feliciano Chi naman ay umuwi upang ipagpatuloy ang kanilang family business na pag fossilize ng mga bulaklak. Matapos ang 20 taong pangingibang-bansa ay nagpasya siyang umuwi na sa Pilipinas noong Pebrero ng taong ito. Ang amo niya sa nagdaang walong taon ay nagpasyang pumunta ng Canada, kaya si Erlin ay sa Pilipinas naman nagdesisyong bumalik. Aniya, tama na ang 20 taon na pangingibang bansa. Palagay na daw siya sa kalagayan ng nag-iisang anak dahil nakapagtapos na naman Ito ng pag-aaral at may sarili ng buhay.
Marami ang nagbago sa takbo ng buhay niya ngayong nasa Pilipinas na siya. Una, mula sa pagiging isang kasambahay ay boss na siya sa kanyang anim na empleyado. Pangalawa, ngayon lang daw niya nararamdaman ang lungkot sa pagkamatay ng kanyang asawa ilang taon na ang nakakaraan. Dahil nasa Hong Kong ay hindi daw niya masyadong naramdaman ang lungkot noon, pero ngayong nasa Pilipinas na siya ay ramdam na ramdam niya ang pangungulila.
Ito daw ang pinakalaking "challenge” sa kanyang pagbabalik, ngunit hindi siya pwedeng magpapadala sa lungkot lalo na at nasimulan na niyang maglagay ng pondo sa negosyo niyang Flower Queen Enterprise sa Barangay Gamis, Sagunday, Quirino. Ito na ang nagbibigay sa kanya ng lakas at nagtutulak upang siya ay gumalaw at sumunod sa agos ng buhay.
Marami din daw mga pagsubok sa negosyong kanyang pinasok, kabilang na ang mga order na hindi itinuloy na kinuha at hindi rin binayaran ng nagpagawa. Sabi ni Erlin mabuti na lang at hindi nabubulok ang kanyang mga bulaklak kaya pwede pa nilang magamit sa ibang mga order.
Ang isa pang maganda sa kanyang negosyo ay hindi siya nahihirapan sa pagkuha ng mga bulaklak dahil marami ang supply, at hindi rin seasonal o depende sa panahon ang kanyang kita. Gayunpaman, mas malakas ang negosyo tuwing araw ng mga puso, araw ng mga patay at tuwing naka bakasyon ang mga mag-aaral.
Hindi siya nahirapan na simulan ito dahil alam na niya ang pasikot-sikot ng negosyo bago pa siya umalis ng bansa.
Hindi nga lang daw naipagpatuloy ng kanyang mga magulang noon. Nang makapagtapos siya ng Leadership and Social Entrepreneurship training ng Ateneo ay nagkaroon siya ng lakas ng loob na ituloy ang negosyo
Kamakailan lamang ay nagbigay siya ng libreng workshop sa Davao sa paraan ng pag fossilize ng mga bulaklak. Kabilang sa mga dumalo ang 60 katao na mula sa iba-ibang tribo sa Davao, at 50 mula sa Wimler Foundation, na siya ring umako ng kanyang gastos sa pagpunta at pagtira doon ng halos isang linggo.
Sa pakikipag-ugnayan ng Overseas Workers Welfare Administration sa Davao ay nagbigay din siya ng kaaalaman sa mga manggagawa na nagbalik ng bansa mula sa ilang taong pagtatrabaho sa ibayong dagat.
Ayon kay Erlin, masaya siyang nakapagbigay ng dagdag kaalaman sa mga taga Davao. Sana ay nakatulong din siya para makapag-umpisa sila ng kanilang pangkabuhayan.