Ligtas ba ang kababaihan natin kung magpapakatulong sila sa China? Ito ang tanong na naglalaro sa aking isipan matapos ihayag ng isang opisyal ng Department of Labor and Employment na papayagan na raw ng Beijing ang pagpasok ng mga dayuhang katulong.
Bagamat pinabulaanan mismo ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pahayag na iyon, maraming kababayan natin ang natuwa sa balita dahil sinabi pa umano ni Undersecretary Dominador Say sa kanyang hilaw na pahayag na ang sahod sa mga kasambahay doon ay halos US$2,000 bawat buwan.
Agad nagalak ang marami sa mga OFW sa balitang ito dahil sa mataas na sahod, na halos apat na ibayo ang higit sa buwanang pasahod sa mga katulong sa Hong Kong, at walong beses na mas malaki kaysa sa suweldo sa Middle East.
Isipin mo nga naman, kung ang nagtulak sa iyo para magpakatulong sa Hong Kong ay para makapag-ipon ng pampabahay sa loob ng 10 taon, baka tatlong taon mo lang pag-iipunan iyan sa China at makakauwi ka na.
Ngunit hindi ganyan kadali ang usaping pagpapadala ng katulong sa China. Maraming bagay ang kailangang isaayos ng mga gobyerno ng Pilipinas at China bago sila magpirmahan ng bilateral labor agreement na siyang hudyat ng pagbubukas ng pinto ng China para sa mga dayuhang katulong.
Isasaalang-alang ng magkabilang panig ang mga gabay sa pagkuha at pagpapadala ng mga kasambahay doon, tungo sa ikaaayos ng programang iyon para sa kapakinabangan ng dalawang bansa.
Tulad ng sa Pilipinas at Hong Kong, mayroon ding mga alituntunin na dapat sundin ng China at Pilipinas upang magiging makinis ang pagpapatupad sa kanilang kasunduan.
Pagkatapos niyan, naririyan ang usapin sa kaligtasan ng mga katulong na ipadadala natin sa China. Ang hantungang iyan ay bago sa mga pantahanang OFW na dahil nanatiling sarado ang pamilihang iyan hanggang sa ngayon.
Malaking usapin ang magiging kaligtasan ng mga kasambahay na Pinoy na pupunta sa China dahil napakalaking lugal ito at hindi natin natitiyak na mababantayan ng mga alagad ng batas doon ang mga dayuhang katulong dahil, katulad sa Hong Kong, titira ang mga ito sa bahay ng mga amo.
Katulad din sa Hong Kong, o kahit saanmang lupalop na pupuntahan ng mga Pinay at alinmang lahi para magpakatulong, hindi nakikita ng mga pulis ang nagaganap sa loob ng mga bahay. Dahil sa ganitong sitwasyon, mahirap patunayan kapag nagreklamo ang isang kasambahay na ginawan siya ng masama ng kanyang amo o iba pang kasama sa bahay.
Naalala ko tuloy ang sinapit ng isang Pinay na pinasunod ng kanyang mga amo sa China kamakailan upang samahan sila habang nakabakasyon doon.
Sumunod ang katulong sa Shenzhen nang Sabado at pagdating ng Lunes ay napabalitang patay na siya – nahulog diumano mula sa bintana ng bahay ng magulang ng amo niya. Hanggang ngayon ay isang palaisipan pa ang nangyari at kasalukuyang sinisiyasat ng pulisya ng China.
Kunsabagay, nangyayari rin ang ganitong trahedya kahit saang lugal na pinupuntahan ng mga OFW, maging dito sa Hong Kong na itinuturing na isa sa pinakaligtas na siyudad sa mundo. Katunayan nga ay mas maraming nagaganap na hindi maganda sa mga OFW na nasa Middle East kaysa sa mga napabalitang trahedyang sinapit nila rito sa Hong Kong.
May tinatayang 200,000 manggagawang Pinoy na nagtatrabaho sa China nang labag sa batas ng bansang iyon, at karamihan sa kanila ay mga kasambahay, ayon sa mga opisyal ng DOLE. Dahil sa palihim ang kanilang pamamasukan doon, hindi nababantayan ng gobyerno natin ang kanilang kalagayan.
Sa ngayon ay maaga pa upang maghangad ang mga OFW na lumipat sa China. Wala pang kasunduan para sa pagpapapasok ng mga katulong na Pinoy doon. Maghintay muna at kung maayos na ang kanilang kalagayan sa Hong Kong o saan man ay baka mas mabuting manatili sila sa kasalukuyang trabaho.