Ang St Paul’s Ruins, sa Macau. Naging pntahan na ang Macau ng mga Pilipinong nag-e-exit mula sa Hong Kong para sa bagong kontrata, upang makatipid. |
Ni Vir B. Lumicao
Bawal sa nasisanteng kasambahay ang mag-exit sa Macau o saan man maliban sa Pilipinas upang maghintay ng panibagong work visa dahil hindi siya dokumentado at walang proteksiyon.
Ito ang sabi ni Engelbert Causing na tauhan ng Philippine Overseas Labor Office o POLO sa ginanap na post-arrival orientation seminar noong Agosto 6, na dinaluhan ng 132 kasambahay.
Sabi ni Causing, may panganib ang pag-exit sa ibang lugar kaya mahigpit itong pinagbabawal.
“Halimbawa, kapag nag-exit sa Macau ang isang terminated na kasambahay at naaksidente at namatay, dahil wala siyang OWWA membership ay walang makukuhang benepisyo ang pamilya niya,” ani Causing.
“Kapag nag-exit kayo sa Macau ay hindi kayo protektado dahil hindi kayo dokumentado. Kaya kayo pinagbabawalang mag-exit sa Macau, na-gets nyo? Dapat may OEC at active yung OWWA membership ninyo,” payo ni Causing.
Sinabi rin niyang bago umuwi ang mga nasisante na may nakuhang bagong amo ay kailangang kumuha muna sila ng overseas employment certificate at magbayad ng OWWA membership para masigurado ang kanilang proteksyon.
Pinaalalahanan din niya ang mga natanggal sa trabaho ngunit may nakuhang bagong amo na kailangang umuwi sila upang doon lakarin sa pinakamalapit na opisina ng Philippine Overseas Employment Administration ang kanilang mga dokumento.
“So, lahat ng naterminate ay kailangang umuwi ng Pilipinas para doon magprocess at maghintay ng visa, ngunit may tatlong exemption,” sabi ni Causing.
Ayon sa kanya, pinapayagan ng Immigration na dito sa Hong Kong magproseso ng papeles ang isang na-terminate na katulong kung: 1) namatay ang kanyang amo na pumirma sa kanya; 2) nawalan ng trabaho ang among nagpapasahod sa kanya; o 3) lumikas sa ibang bansa ang kanyang amo.
Sa labas ng bulwagang ng POLO, sinabi ni Causing sa The SUN na sa palagay niya ay wala nang ahensiya sa Hong Kong na nagpapadala ng mga nasisanteng katulong sa Macau.
Ito ay dahil isang ang isang ahensiya na nahuling nagpa-exit ng mahigit sa 200 na Pilipina sa Macau ang siningil ng POLO ng bayad para sa OWWA membership ng mga kasambahay na nagkakahalaga ng USD$20 bawat isa.