Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Ang kuwento ni Mariel

10 August 2017

Ni Mariel F. Tadalan

Akala ko sa paglipat ko sa Hong Kong ay mas gaganda ang aking buhay bilang OFW, hindi pala.

Sanay na ako sa hirap, dahil dati na akong nagtrabaho bilang kasambahay sa Dubai ng dalawang taon, at sa Doha, Qatar ng mahigit limang taon.

Hindi rin maalwan ang buhay na kinalakhan ko sa bayan ng Dipaculao, probinsiya ng Aurora. Panglima ako sa anim na magkakapatid at para maituloy ko ang aking pag-aaral sa kolehiyo ay namasukan ako bilang kasambahay. Pero napilitan akong huminto nang ayaw na akong pag-aralin ng aking amo. Namasukan ako sa iba-ibang kumpanya, ngunit dahil wala akong makuhang permanenteng trabaho ay naisipan kong mangibang bansa.

Maliban sa aking mga magulang at kapatid pansamantalang iniwan ko din ang aking kasintahan.

Una akong nagtrabaho sa Dubai noong taong 2008, at tumagal ako ng dalawang taon. Hindi naging madali ang buhay ko doon. Oo, kumikita ako pero kasabay noon ang matinding lungkot at pagod. Nandoon iyong sinisigawan ako sa maliit na pagkakamali, at hindi ako nakaranas na mag day off o gumamit ng cellphone.

Ngunit kahit na isang beses sa isang buwan lang ako nakakatawag sa aking mga mahal sa buhay ay napapawi din ang lungkot ko, hindi na bale na sa bawat tawag ko ay nagtatanong sila tungkol sa aking padala. Ang mahalaga ay nakakatulong ako sa kanila.

Lumipas ang mga buwan at taon, at matatapos ko na ang kontrata ko. Excited akong umuwi, pero sa hindi inaasahang trahedya ay nabaril ang aking kapatid at muli, ako lang ang inaasahan ng pamilya ko na sumagot sa gastos. Wala akong nagawa kundi ipadala ang natitira kung ipon para pambayad sa ospital at pampaopera para makuha ang bala sa katawan ng kapatid ko.

Ang mas malungkot ay nasabay pa ito sa paghihiwalay namin ng boyfriend ko.

Mahirap magtrabaho bilang OFW pero labis na mahirap magtrabaho kung durog ang puso. Gayunpaman, kailangan kong magpakatatag para sa aking pamilya dahil ako lang inaasahan nila.

Dumating ang takdang oras ng aking pag-uwi sa Pilipinas, pero dahil wala na akong ipon ay nakagsapalaran na naman ako sa Doha, Qatar.

Panibagong lungkot, pagod, puyat at hirap ang tiniis ko, ngunit nakatagal ako ng limang taon sa paninilbihan sa aking mga amo. Hindi biro-birong mura at insulto ang inabot ko sa loob ng pitong taon kong paninilbihan, ngunit tiniis kong lahat. Marami akong mga pagsubok na dinaanan na umabot pa sa puntong gusto ko nang isuko ang katawan at isipan ko.

Ngunit muli ay nagkaroon ng matinding pangangailangan ang aming pamilya. Naospital ang papa ko at kinailangan kong magpadala ng malaking pera para sa kanyang mga gamot at gastos sa ospital.

Dito ko naisipan ang payo ng aking auntie at isang kaibigan sa Hong Kong na lumipat dito dahil mas maganda ang buhay at mas malaki ang sahod.

Hindi ko sulat aklain na mas masahol pa pala sa pinagdaanan ko ang magiging karanasan ko dto sa Hong Kong.

Enero 20, 2017  ika-6 ng hapon nang  dumating ako sa amo ko na walang tulog dahil delayed ang aking flight mula sa Pilipinas.

Unang araw ko pa lang sa amo ko ay pinakain na ako ng tira-tira nilang pagkain. Walang oras ang aking pagkain, pero apat na oras lang ang aking tulog sa bawat araw. Kailangang magising ako ng alas sais ng umaga, at magtrabaho hanggang alas dos ng madaling araw kinabukasan. Pati ang pagkain ko ay kailangang matapos sa loob ng limang minuto, at balik ako agad sa trabaho.

Malimit din akong alipustain, lalo ng amo kong babae. Nandoon yong sabihan ako na bobo, walang utak, baboy, at iba pang masasamang salita. Wala akong magawa kundi umiyak, magdasal at magtiis.

Lumipas ang mga araw at linggo na palagi kong sinasabi sa sarili na magbabago din ang pakikitungo nila sa akin. Pagsubok lang ang lahat ng ito, at kakayanin ko para sa pamilya ko.

Mabilis na lumipas ang isang buwan. Nitong Marso 1 ng kasalukuyang taon, araw ng aking day-ay tumawag muna off ay tumawag muna ako sa aking mga amo para alamin kung nasa bahay na sila dahil hindi nila ako binibigyan ng susi. Pagdating sa bahay ay ginulat ako ng malakas na pagsisigaw ng aking among babae. Bakit pa daw ako bumalik sa bahay nila e wala naman akong kuwentang katulong. Baboy daw ako at palamunin lang dahil hindi ko magampanan nang maayos ang trabaho ko. Sinabihan niya ako na bago ako matulog ay kailangan ko munang linisin ang buong bahay at maghugas ng pinggan at iligpit ang lahat ng kalat.

Natapos ako ng mga bandang alas dos ng madaling araw, ngunit nang naghahanda na akong matulog ay biglang pumasok sa kuwarto ang aking amo at sinabing kailangan kong linisin muli ang sahig dahil marumi pa. Nang makiusap ako na kung puwede ay ipagpabukas na lang ito dahil wala na akong lakas ay nagalit siya, at sinabing paparusahan ako dahil matigas ang ulo ko. Ang ginawa niyang parusa ay pinatulog ako sa kanilang terrace sa labas, kahit na ang lamig-lamig ng mga panahong iyon. Bandang alas tres na noon ng madaling aras, at kailangan kong gumising ulit ng alas sais dahil may pasok ang alaga ko. Natulog akong umiiyak, at  ang tanging isip ay kung bakit may mga taong ganito kasama.

Hindi pa rin nagbago ang pakikitungo sa akin ng aking amo sa mga sumunod na araw, pero nagtiis akong muli. Noong Marso 12, bandang alas dos ng hapon ay humingi ako ng pagkain sa aking amo dahil hindi pa ako nag almusal at tanghalian. Pero nagalit siya, at ang sabi ay hindi ako maaaring kumain ng hindi natatapos ang aking trabaho.

Umalis siya ng bahay, at bandang 3:30pm ay dumating ang amo kong lalaki at aking alaga na dala ang pananghalian ko. Dahil gusto kong matapos na ang trabaho ko ay itinabi ko muna ang pagkain. Pagkatapos ko ay pinainit ko ito sa microwave. Siya namang pagbalik ng amo kong babae at pasigaw na tinanong kung bakit noon lang ako kakain. Hinablot niya ang pagkain, sabay sabi na kung kailan niya ako gustong kumain ay doon ako kakain. Ibinato niya sa basurahan ang pagkain ay inutisan ako na damputin ko at kainin ko.  Pero hindi ko siya sinunod at sinabing hindi ako hayop para pakainin ng nasa basurahan. Sa galit niya sa sinabi ko ay dinuraan niya ako at minura-mura. Tanging iyak na lang ang aking nagawa.

Pero dahil gutom pa rin ako ay kumuha ako ng tubig sa baso para inumin.  Lalo siyang nagalit at hinablot ang baso, bago ibinato niya malapit sa paa ko. Kung hindi ako nakatalon ay malamang na natamaan ako at nasugat.

Naisip ko noon na sa buong buhay ko ay noon lang ako nagkaroon ng ganoon kasing samang amo.

(Itutuloy)

---

Ang salaysay na ito ay mula kay Mariel F. Tadalan, isang domestic worker na kailan lang ay nanalo sa kasong isinampa niya laban sa kanyang amo sa Minor Claims Adjudication Board (Mecab) ng Hong Kong Labour Department. Ayon sa Mecab, nararapat lang na bayaran ng amo ng isang buwang sahod kapalit ng di pagbibigay ng abiso si Mariel, dahil sa pang-aabusong sinapit nito sa kamay ng among babae. Ang pagpapatulog sa Pilipina sa labas ng bahay at iba pang hindi makatarungang pagtrato dito ay nangahulugan na ang amo ang pumutol sa kanilang kontrata, kaya dapat siyang magbayad. Pinayagan ng Immigration si Mariel na manatili sa Hong Kong habang pinoproseso ang kontrata sa kanyang bagong amo.  Ito ay matapos ipakita ni Mariel ang mga litrato, video at iba pang ebidensya ng mga ginawang pang-aabuso sa kanya ng dating amo. -ed)

Don't Miss