Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

30th anniversary concert ni Regine

08 August 2017

Isang malaking selebrasyon ang inihahanda  ni Regine Velaquez para sa kanyang ika-30 taong anibersaryo sa showbiz, sa tulong ng Viva Entertainment, kung saan ay muli siyang pumirma ng management contract. May bagong album siyang ginagawa, isang 3- volume set na kabibilangan ng bagong version ng mga dating bestseller niya, mga paborito at bagong awitin. Magkakaroon din siya ng malaking solo concert na pinamagatang “R3.0” na gaganapin sa MOA Arena sa October 21, kaya puspusan ang kanyang ginagawang pagpapayat at pagpapakondisyon ng katawan dahil 30 awitin ang kakantahin niyang mag-isa sa loob ng dalawang oras.

Sa kanyang concert, inaasahang muli niyang aawitin ang ilan sa nga pinasikat niyang mga kanta gaya ng Urong Sulong, Dadalhin, You Are My Song, On The Wings of Love, Ikaw, at ilang komposisyon ni Ogie Alcasid gaya ng Sa Piling Mo, Pangarap Ko Ang Ibigin Ka, Hanggang Ngayon at Kung Maibabalik Ko Lang, at marami pang iba, kabilang ang mga bago ring awitin.

Noong July 26, nagpost ang kapatid at manager ni Regine na si Cacai Velasquez- Mitra: “In just ONE day, PLATINUM Left & Right, VIP A Left & Right, VIP B Left & Patron sections only 12 tickets remaining!”Malinaw na malakas at sold out agad ang mga tickets sa R3.0 concert, at patunay ito na sabik nang mapanood at mapakinggang muli ang reyna ng mga mang-aawit sa Pilipinas.

Matagal-tagal na ring napahinga sa pag-awit si Regine, na maituturing na isa sa mga pinakamatagumpay na mang-aawit sa Pilipinas. Siya pa rin ang may hawak sa record na best selling artist of all time sa Pilipinas (bumenta ng 7 million units sa Pilipinas at 2 million units sa ibang parte ng Asia). Nagtamo rin siya ng iba’t ibang karangalan sa pag-awit sa Pilipinas at ibang bansa, kabilang na ang pagiging grand champion sa Asia Pacific Singing Contest na ginanap sa Hong Kong noong 1989, at MTV Asia’s Favorite Artist noong 2002 at 2003.

Isang “kontesera” mula pagkabata, marami siyang sinalihang mga amateur singing contests, hanggang napanood at makilala siya nang publiko nang manalo siya sa singing contest na  “Ang Bagong Kampeon” noong 1984, sa gulang na 14 taon at gamit ang pangalang Chona Velasquez (Regina Encarnacion Velasquez ang tunay niyang pangalan). Nang maging panauhin sa “Penthouse Live” show nina Pops Fernandez at Martin Nievera noong 1986, iminungkahi ni Martin na palitan niya ang pangalang Chona, at gamitin ang pangalang Regine Velasquez, bilang performer. Sinunod niya ito, at tuluyan na nga siyang sumikat bilang si Regine.

Tinaguriang Asia’s Songbird, tila siya ang nagpauso ng “pag-birit” ng mga kanta dahil sa taas ng kanyang boses, kaya ang mga sumunod na sumikat na babaeng singers ay pawang mga biritera din, gaya nina Sarah Geronimo, Rachelle Ann Go, Angeline Quinto, Lani Misalucha at Jona Viray. Kilala rin si Regine sa pagiging mabait at mapagbigay sa mga kapwa niya singers, lalo na sa mga baguhan.

Isang all around artist, hindi lang sa pag-awit mahusay si Regine, dahil naging stage, TV at film actress din siya, at tumanggap ng acting awards. Naging Box Office Queen din. Ang sa hindi malilimutan niyang pelikula ay ang Wanted: Perfect Mother, Dahil May Isang Ikaw, Of All the Things, at Kailangan Ko’y Ikaw.

Nakaplano na rin ang paggawa niya ng bagong pelikula sa susunod na taon.
Sa ngayon ay napapanood siya sa Sarap Diva at Mulawin vs. Ravena ng GMA Network. Nakatutok din siya sa pag-aalaga sa anak nila ni Ogie na si Nate, na ngayon ay limang taong gulang na, at pagtulong sa stepdaughter niyang si Leila na kasama na nila ngayon sa bahay.

SARAH, HANDA NANG MAGPAKASAL?
Usap-usapan ang balak daw ni Sarah Geronimo na magpakasal na sa kanyang boyfriend na si Matteo Guidicelli. Nasa hustong gulang na sila, nag-29 na si Sarah noong kanyang kaarawan noong July 25, at si Matteo ay magtu-28 na. Nilinaw ni Sarah na totoong gusto na niyang mag-asawa, pero sa ngayon, palagay niya ay hindi pa siya handa.

“I don’t want to be selfish sa partner ko. Kasi hindi ba, para mahanap mo ang ‘Mr. Right’ mo, kailangan maging ‘Ms. Right’ ka muna?”, ang paliwanag ni Sarah. May mensahe rin siya sa kanyang magiging asawa: “I can’t wait to spend the rest of my life loving you and sana maging patient ka sa akin, kasi late-bloomer talaga ako. Kahit na mag-29 na ako, parang nasa early 20s or parang teenager pa nga rin ata. So sana ikaw iyong sobrang lawak ng pag-iintindi mo, pagpapasensya mo, at ng pagmamahal mo sa akin.”

Sa ngayon ay marami pang pinagkakaabalahan ang mahusay na singer/actress dahil may regular shows siya, ang ASAP tuwing Linggo, at The Voice Teens, na nasa final round na. Abala rin siya sa pagpo-promote ng pelikula nila ni John Lloyd Cruz na “Finally Found Someone” na nagbukas sa mga sinehan noong July 26. Ito ang pang-apat na pelikula nilang pinagsamahan, at inaasahang kikita rin ito ng husto sa takilya gaya ng mga nauna nilang tambalan.

Noong nakaraang Linggo sa ASAP ay natumba si Sarah at napahiga sa kalagitnaan ng kanyang birthday production number, kung saan ay umaawit siya at sumasayaw. Pero napahanga niya ang lahat nang nakangiti siyang bumangon at parang walang anumang nagtuloy-tuloy pa rin ang kanyang performance. Kinalaunan, sinabi niya na kulang siya sa tulog kaya nangyari ito. “Kasi nag da-The Voice ako, nagda-dub ako for the movie, at kung anu-ano pa. So medyo kulang ng tulog, kulang ng preparation for the birthday prod pero ginusto ko talagang gawin yun dahil siyempre, mahal ko talaga ang pagpeperform. Pero natutunan ko na dapat hindi kino-compromise yun, e. Meron talagang enough time to prepare. ‘Yun, medyo nagkulang sa balance at mabigat din yung fur coat kasi hindi rin na rehearse at kulang ng tulog.”

Dagdag pa niya: “Actually hindi yun ang first time na nahulog ako sa stage o nadapa, e. So okay na yun sa akin, bawi na lang next time.”

Pagkatapos ng The Voice Teens ay nakatakda niyang simulan ang solo film niya para sa Viva Films.
Sa dami ng kanyang trabaho, tila malayo pang maisingit ang kanyang pag-aasawa, na balitang tinututulan din ng kanyang mga magulang sa ngayon.

CELESTE, BINIGYAN NG TRIBUTE SA ASAP
Binigyan ng tribute ng ASAP si Celeste Legaspi para sa kanyang naging kontribusyon sa pagpapaunlad ng OPM (Original Pilipino Music). Ang mga mahuhusay na singers na umawit ng mga kanta ni Celeste ay sina Gary Valenciano, Jed Madela, Zsazsa Padilla, Maya Valdez, Isay Alvarez, Bituin Escalante, Lyca Gairanod, Elha Nympha at Lea Salonga. Ilan sa inawit nila ay ang mga awiting Saranggola ni Pepe, Mamang Sorbetero, Gaano Ko Ikaw Kamahal at Tuliro.

Si Celeste ang unang naging presidente ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM) na nabuo noong 1986. Siya ay anak ng pamosong painter na si Cesar Legaspi na isang National Artist. Bukod sa  pag-awit, naging aktibo rin siya bilang isang stage actress, at lumabas din sa ilang TV series at pelikula.

Naging espesyal ang tribute sa paglabas ni Lea, na siyang umawit ng Tuliro, na isang espesyal na awitin para kay Celeste dahil ginawa ito ng kanyang asawang si Nonoy Gallardo para sa kanya. Hindi raw pinapagamit ni Celeste ang awiting ito sa iba, pero pumayag siya na ipakanta ito kay Lea, na lumutang na naman ang husay sa kanyang performance.

Ibinahagi ni Lea na malaki ang utang na loob niya kay Celeste dahil tinawagan nito ang ina niya noon at pinilit na mag-audition si Lea para sa Miss Saigon. Ito ang nagbukas ng malaking pagkakataon para makilala si Lea bilang isang world class performer.


Don't Miss