Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Sapilitang bakasyon

04 July 2017

Dalawang Pilipina ang sapilitan diumanong pinauuwi ng kani-kanilang mga amo dahil gusto ng mga ito na umalis ng Hong Kong, at ayaw magbayad ng sahod habang wala sila.

Sa kaso ni Rosal, pilit daw siyang pinauuwi ng kanyang amo sa darating na Agosto para sa isang linggong bakasyon. Nakatakda kasing mangibang bansa ang amo at gusto nitong umalis din ang kasambahay.

Ang siste, ikakaltas daw sa sahod ni Rosal ang halagang katumbas ng isang linggong bakasyon, at pati na ang pinambayad sa tiket niya pauwi. Naubos na kasi niya ang kanyang annual leave.

Mas malala naman ang problema ni Danielle dahil ang gusto ng kanyang amo ay umuwi muna siya ng dalawang buwan habang ito ay nagbabakasyon, pero hindi siya pasasahurin.

Agad naman silang sinabihan ng napagtanungan na hindi maari ang ganitong usapan. Hindi maaring pilitin ang isang katulong na magbakasyon ng walang bayad dahil lang gustong umalis ng amo. Nasa sa kasambahay na iyon kung papayag siyang magbakasyon, pero hindi puwedeng sapilitan, lalo na at babawasan ang kanyang suweldo, at siya din ang sasagot sa pamasahe.

Sinabihan silang pumunta sa Philippine Overseas Labor Office para humingi ng tulong at baka maaari pang paliwanagan ang kani-kanilang amo tungkol sa mga karapatan ng isang kasambahay na dayuhan.

Agad namang sumunod si Rosal sa suhestiyon, pero si Danielle ay sumuko na, at binigyan ng isang buwang pasabi ang amo na aalis na siya.

Pero panibagong problema na naman ang kinaharap niya dahil ayaw tanggapin ng kanyang amo ang kanyang desisyon na putulin na ang kanilang kontrata, lalo at nakatakda itong umalis.

Sinabihan ulit si Danielle ng napagtanungan na humingi ng tulong sa POLO at bigyan ng kopya ang Immigration ng kanyang sulat na pinuputol na niya ang kanyang kontrata. Hindi na maaaring tutulan iyon ng amo karapatan niya iyon. – DCLM

Don't Miss