Kasalukuyang nakasakay sa jeepney si Melay noong July 1, bandang alas tres ng hapon nang makita niyang nakahandusay sa kanal ang isang lalaki at kasama nitong bata. Aksidente sa motor ang dahilan.
Agad-agad na bumaba sa jeep si Melay dala-dala ang first aid kit na laging nasa bag niya. May sugat kasi ang bata sa noo dahil nauntog sa bato pagkatapos mahulog sa motor. Nang nakuha ang bata mula sa kanal ay saka niya tinakpan ng bandage ang noo nito para matigil ang pag-agos ng dugo mula sa sugat, bago isinara.
Sinenyasan niya ang sinakyang jeep na iwan na siya kahit nandoon pa mga gamit niya, at naghintay hanggang nadala na ng ambulansya ang mga naaksidente sa ospital. Nang makaalis na ang ambulansya ay saka pa lang sumakay muli si Melay ng jeep.
Naging malaking tulong kay Melay ang pagsasanay niya sa first aid noong nasa pangalawang amo siya, at may bagong panganak na kailangan niyang alagaan. Ang mag-asawa ay parehong nurse kaya nadagdagan pa ang kanyang natutunan.
Ayon sa kanya, kahit hindi niya kakilala ang mga naaksidente o ang ibang tao na tumulong ay natutuwa siya na nandoon siya para mailigtas ang bata. Si Melay ay 39 taong gulang, may asawa at isang anak. - Rodelia Villar