Ang una ay isa nang nurse sa Britain, ang pangalawa ay public relations officer sa Canada, ang pangatlo ay computer engineer, ang pang-apat ay nagtapos ng IT at nagtuturo na sa isang computer school, at ang pinakahuli ay isang researcher sa PhilRice, na mas pinili ang ganitong gawain kaysa magpatuloy bilang seaman.
Tuwing nakikita ni Ate Jenny ang mga larawan ng mga pamangkin na matagumpay na ay naiiyak siya sa tuwa, bagamat naaalala din niya ang ginawa niyang pagtalikod sa kanyang lovelife para lang mapag-aral sila.
Pauwi na sana siya sa darating na buwan, ngunit nagdalawang-isip nang himukin ng amo na pumirma ng isa pang kontrata kapalit ng $25k. Marami na kasing na-interview ang kanyang amo bilang kapalit niya sana ngunit wala daw pumasa sa standards nila.
Pumayag na rin si Ate Jenny bagamat naipadala na niya ang kanyang mga gamit at natanggap na rin niya ang malaking bahagi ng kanyang long service. Naisip niya kasi na malaking karagdagan din ang ibinibigay ng amo sa kanyang ipon para sa kanyang pag-uwi. Bagamat marami na siyang pamangkin na napag-aral ay ayaw niyang siya naman ang umasa sa kanila sa kanyang pag-uwi. Si Ate Jenny ay mula sa Ilocos Norte. – Marites Palma