Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

MMFF balot muli ng alingasngas

15 July 2017

Muli na namang nagiging kontrobersyal ang Metro Manila Film Festival sa taong ito. Mukhang hindi napangatawanan ng mga bumubuo ng MMFF ang naging desisyon noong nakaraang taon na itaas ang kalidad ng mga kalahok sa taunang pasinaya kaya puro indie films ang kanilang napiling ipalabas. Hindi kasi gaanong tinangkilik ng mga manonood ang naging pasya nilang ito.

Sa taong ito, bilang pambawi, apat na pelikula ang agad na napiling kalahok, base lang sa kani-kanilang script at marahil, dahil tatampukan ang mga ito ng mga malalaking artista. Ito ang: “The Revengers” (Vice Ganda, Daniel Padilla at Pia Wurtzbach, sa direksyon ni Joyce Bernal), “Ang Panday” (Coco Martin, at unang pelikula niya bilang director din, gamit ang tunay na pangalan niyang Rodel Nacianceno), “Love Traps#Family Goals” (Vic Sotto at Dawn Zulueta, sa direksyon ni Tony Reyes), “Almost is Not Enough” (Jennelyn Mercado at Jericho Rosales, sa direksyon ni Dan Villegas).

Ang huling apat na pelikula ang siya lang pipiliin batay sa kanilang kabuuan.

Dahil sa pagbabago sa pamantayan ng pagpili, tatlong miyembro ng 2017 MMFF Executive Committee ang agad na nagsipag-resign, ang kilalang scriptwriter na si Ricky Lee,  manunulat na si Kara Magsanoc Alikpala, at si Prof. Rolando Tolentino.

Ang kanilang joint statement:

“We accepted the invitation to be members of the Metro Manila Film Festival 2017 Executive Committee because we were excited to maximize the gains of the MMFF 2016.  Last year’s festival showcased a wide variety of quality cinema that went beyond the formulaic. There was a shift of emphasis from commercial viability to artistic excellence. It also celebrated the spirit of a film culture that produced many cult classics in the early years of the MMFF.”

“After several meetings and deliberations, we resigned because the MMFF 2017 ExeCom took a different direction, by putting too much emphasis on commerce over art. Some quarters in the ExeCom insist that only big film studios can produce a blockbuster. We believe that producing a box office hit and creating quality film is not exclusive to big film studios nor to independent film outfits.”

“All excellent Filipino films deserve all forms of support. This support includes movies being screened for the entire duration of the festival with maximum exposure in as many theatres in and outside Metro Manila. We remain steadfast believing in a Metro Manila Film Festival that can once more be a celebration of the finest of Filipino artistry. The Filipino audience deserves no less. “

Nilinaw naman nilang ang kanilang pagbibitiw ay hindi dahil sa apat na pelikulang napili, dahil bago pa daw ipinahayag ang mga ito ay ipinaalam na nila ang kanilang desisyon na umalis sa puwesto.

Noong July 8 ay nag-resign din ang isa pang miyembro, ang UP Film professor na si Ed Lejano.

Noong July 11, ipinahayag ni Tim Orbos, MMFF Executive Committee Chairman ang tatlong bagong miyembro ng ExeCom na sina Maryo J. delos Reyes (multi-awarded director at  executive director -  ToFarm Film Festival), Vice Mayor Joy Belmonte-Alimurung ( Head, QC Film Development Council in charge of QCinema International Film Festival at miyembro ng Selection Committee ng MMFF 2016) at Arnell Ignacio (actor, at assistant vice-president for community relations and services, PAGCOR).


1st PPP FILM FESTIVAL, ITINATAG
Sa gitna ng kontrobersya sa pagpili ng mga kalahok para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2017, tahimik na binuo ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa pamumuno ni Liza Dino ang Pista ng Pelikulang Pilipino Film Festival na itatanghal mula Agosto 16-22.  Labindalawang pelikula ang napiling kalahok at ipapalabas sa 790 sinehan sa buong Pilipinas, kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Pelikulang Pilipino.

Ang mga kalahok:
1) 100 Tula Para Kay Stella ni Jason Paul Laxamana.
Cast: Bela Padilla at JC Santos.
2) Ang Mananangggal sa Unit 23B ni Prime Cruz, sa panulat ni Jenilee Chuansu.
Cast: Ryza Cenon at Martin del Rosario.
3) AWOL ni Enzo Williams.
Cast: Gerald Anderson at Diane Mediana.
4) Bar Boys ni Kip Oebanda.
Cast: Carlo Aquino, Rocco Nacino, Enzo Pineda at Kean Cipriano.
5) Birdshot ni Mikhail Red.
Cast: May Joy Apostol, Arnold Reyes, John Arcilla at Ku Aquino.
6) Hamog ni Ralston Jover.
Cast: Zaijian Jaranilla, Teri Malvar at Sam Quintana
7) Paglipay ni Zig Dulay.
Cast: Garry Cabalic, Anna Luna, Joan dela Cruz at Marinella Sevidal.
8) Patay na si Hesus ni Victor Villanueva, sa panulat ni Fatrick Tabada.
Cast: Jaclyn Jose.
9) Pauwi Na –sinulat nina Paolo Villaluna at Ellen Ramos, sa direksyon ni Paolo Villaluna.
Cast: Bembol Roco at Cherry Pie Picache.
10) Salvage ni Sherad Anthony Sanchez. Cast: JC de Vera at Jessy Mendiola.
11) Star na si Van Damme Stallone, sa panulat ni Alpha Habon, at direksyon ni Randolph Longjas. Cast: Candy Pangilinan, Paolo Pingol at Jadford Dilanco.
12) Triptiko ni Miguel Franco Michelena.
Cast: Kylie Padilla, Kean Cipriano, Albie Casino, at Joseph Marco.

Ang selection committee ay kinabilangan nina Liza Dino, Ricky Lee, Jose Javier Reyes, Erik Matti, Iza Calzado, Oggs Cruz, Manet Dayrit at Lee Briones.
Igagawad ng FDCP ang Audience Choice awards sa tatlong pelikula na makakakuha ng pinakamataas na boto mula sa manonood sa unang tatlong araw ng pagtatanghal.  

VILMA AT  PAOLO, PANALO SA 1ST EDDYS
Nanalo bilang best actress si Vilma Santos para sa pelikulang “Everything About Her” sa 1st Eddys awards ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEED) na ginanap sa Kia Theater sa Cubao, Quezon City noong July 9.

Si Paolo Ballesteros ang tinanghal na best actor para sa pelikulang “Die Beautiful”.

Tinanghal na best picture ang “Ang Babaeng Humayo”, at ang director nitong si Lav Diaz ang nanalo  bilang best director.

Best supporting actress si Angel Locsin (“Everything About Her”) at si John Lloyd Cruz bilang best supporting actor (“Ang Babaeng Humayo”).

Hindi nakadalo ang mga nanalo ng acting awards at best director. Si Luis Manzano ang tumanggap ng best actress trophy para sa kanyang ina, na kasalukuyang nasa ibang bansa.

Kabilang sa mga dumalo ang mga nominadong sina Nora Aunor, Rhian Ramos, Ma. Isabel Lopez, Christian Bables. Naroon din sina Christopher de Leon, Bela Padilla, Liza Dino, Aiza Seguerra at Boots Anson Roa. Naging presenters sina Jodi Santamaria, Cristine Reyes, Richard Guttierez, Sarah Lahbati, Bela Padilla, JC Santos, AJ Muhlach, Phoebe Walker, Ali Khatibi, Janella Salvador, Elmo Magalona, ang dating PBB housemates na sina Maymay Entrata at Edward Barber at Kisses Delavin at Marco Gallo.

Kabilang sa mga performers sina James Reid at Nadine Lustre para kanilang song and dance numbers, at sumayaw din sina Yassi Pressman at Arjo Atayde. Sina Martin Nievera, Ogie Alcasid, Morisette Amon at Klarisse de Guzman ay umawit bilang tribute sa namayapang composer na si Willie Cruz.

Special awardees sina Lav Diaz (Manny Pichel award), Lily Monteverde (Producer of the Year) at Boy Abunda (Joe Quirino award). Ginawaran din ng posthumous award ang writer na si Jake Tordesillas na yumao noong nakaraang buwan.

Ang mag-amang sina Edu at Luis Manzano ang naging hosts ng awards ceremony.


KASALAN SA SIMBAHAN PARA KAY ALFRED VARGAS
Siyam na taon nang nagsasama ang actor-politician na si Alfred Vargas at asawang si Yasmine Espiritu. Ikinasal sila sa isang civil wedding noong 2010, pero ipinangako raw ni Alfred na magpapakasal silang muli sa simbahan at ibibigay niya ang kasal na gusto nito kapag nakaipon na siya. Sa July 23 ay mabibigyan na ito ng katuparan dahil magkakaroon sila ng magarbong kasal na gaganapin sa Manila Cathedral. Ito raw ang napiling simbahan ni Yasmine dahil naaalala niya ang mga simbahan sa Italy, kung saan ito lumaki.

Matagal din nilang pinaghandaan ang kanilang kasal, at ang kanilang mga anak na sina Aryana Cassandra at Alexandra Milan ay excited na rin sa nalalapit na kasal. Noong Mayo ay lumipad papuntang Europe sina Alfred at Yasmine para sa kanilang prenup shooting.

Kabilang sa mga principal sponsor sina dating Secretary Mar Roxas at Vice President Leni Robredo, dating Cong. Feliciano R. Belmonte Jr. at Cong. Vilma Santos-Recto, Manuel V. Pangilinan at  Lilybeth G. Rasonable, Robert L. Tan at Lolita A. Solis, Victor Jose I. Luciano at Ameurfina D. Santos, Antonio R. Vargas at Adelaida J. De Guzman, at Francis Enrico M. Gutierrez at Kris Aquino. Cord sponsors sina QC mayor Herbert Bautista at vice mayor Joy Belmonte-Alimurung.

Inaabangan na ng marami kung magkasabay na darating sina Kris at Herbert sa simbahan, dahil muling natsi-tsismis na nagkabalikan na sila at nagkikita nang patago.

Bagamat abala si Alfred sa kayang gawain bilang isang kongresista, hindi pa rin niya tinatalikuran ang kanyang pagiging aktor. Ang kanyang pelikulang “Ang Guro Kong Di Marunong Magbasa” ay kalahok sa Cinemalaya 2017 na itatanghal sa susunod na buwan.  Huli siyang napanood sa TV sa taong ito sa “Encantadia” at “Tadhana” ng GMA Network.


Don't Miss